Friday, March 21, 2014

Dangal at paninindigan!


                                                               Dangal at paninindigan!
                                                                        Rey Marfil  

Naging sentro ng paksa sa pagtatapos ng mga kadete sa Class Siklab Diwa ng Philippine Military Aca­demy (PMA) ngayong taon ang usapin ng “karangalan”.

Kasunod ito ng naging pasya ng pamunuan ng institu­syon na sibakin ang isa nilang kadete dahil sa pag­labag daw nito sa “Honor Code”.

Lumikha ng malaking ingay ang naturang sibakan dahil nangyari ito ilang linggo na lamang ay graduation na ng mga kadete.

Ibig sabihin, nawalang parang bula ang apat na taong pinaghirapan ng kadete sa loob ng PMA na kila­lang humu­hubog ng mga pinakamahuhusay na sundalo sa ating Sandata­hang Lakas.

Umani ng simpatiya ang ibang nakaalam sa naging sitwasyon ng sinibak na kadeteng si Cadet Aldrin Jeff Cudia.

May nagsasabing tila maliit lang naman ang nagawa nitong pagkakamali kung pagbabatayan lang ang pagi­ging late sa klase ng ilang minuto o maging ang ibinigay nitong dahilan kung bakit na-late. May naniniwala rin na ang lahat ay dapat mabigyan ng second chance ika nga.

Kung may nakisimpatiya kay Cudia, mayroon din namang pumabor sa naging posisyon ng pamunuan ng aka­demya. Ibang usapan daw kasi ang “dangal” na siyang ini­ingatan at nais na itanim ng institusyon sa kanilang mga kadete. May naniniwala rin na kung nagawang mag­sinungaling sa maliit na bagay, papaano pa kaya sa ma­laking bagay?

Naging pursigido ang pamilya ni Cudia na mabigyan ng isa pang pagkakataon ang kadete at hayaang makapagtapos kasama ng iba pa nitong ka-batch sa Siklab Diwa nitong Linggo sa Baguio City pero nabigo sila.

Marahil, kailangan na lamang nilang mahabol nga­yon ay makakuha pa rin ng diploma si Cudia at maging bahagi pa rin ng AFP kung nanaisin pa rin ng kadete.

***

Si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na kilalang mataas ang pagtingin sa “dangal”, ipinaubaya sa pamunuan ng AFP ang pag-aaral sa kaso ni Cudia.

Higit sa emosyon, ang mga pinuno ng AFP na pa­wang mga “PMAyer” o naghirap din para makapag­tapos ng PMA ang higit na nakakaalam sa naturang usapin.

Sa harap nito, isang mahalagang mensahe ang iniwan ni PNoy sa mga nagtapos na kadete ng Class Siklab Diwa tungkol sa pinakaiingatan nilang “honor” o dangal.

Ayon sa Pangulo, batid niya na dangal ang isa sa mga haligi ng institusyon ng PMA, kaya kung pinaiiral sa loob ng akdemya ang Honor Code, dapat din nila itong pa­nindigan sa labas ng PMA.

Ibig sabihin, hindi nila dapat hayaan o palampasin ang mga kalokohan na kanilang malalaman sa labas ng institu­syon na humubog sa kanila, hindi lang para ma­ging ma­husay na sundalo, kundi para maging isang tapat na sun­dalong magta­tanggol sa Inang Bayan.

Kaya naman kung may malalaman silang hindi tama sa destinasyon na kanilang mapupuntahan, hindi nila ito dapat kunsintihin sino man ang posibleng sangkot.

Gaya na lamang sa usapin ng pork barrel scandal, dahil may mga mambabatas na kaalyado ng administrasyon ang nadadawit ang pangalan, inatasan ng Palasyo ang mga mambabatas na harapin at magpaliwanag tungkol sa isyu.

Binigyan din ng direktiba ni PNoy ang Department of Justice na magsagawa ng ibayong imbestigasyon sa kontro­bersya at sampahan ng kaso ang lahat ng mapa­patunayan na may pananagutan sa pagwaldas ng pondo ng bayan kahit ano pa man ang partidong kina­aaniban nito.

Sadyang mahalaga sa isang tao ang mayroong da­ngal dahil ito ay kayamanan sa sarili na hindi mabibili o katumbas na halaga.

Ang taong may dangal, tiyak na paninindigan. At ang taong may paninindigan, may sariling pagpapasya at dis­posisyon.

At ang taong may sariling pagpapasya at hindi basta naki­kinig sa dikta, hiling, o mungkahi ng iba, ay hindi tamang sabihan na matigas ang ulo, lalo na kung ang nagsabi nito ay hindi lang napagbigyan ang sariling kagustuhan. La­ging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”

No comments: