Friday, March 7, 2014

Hidwaan magpakailanman?




                                                          Hidwaan magpakailanman?
                                                                      Rey Marfil

Sa kanilang House Resolution No. 796, nanawagan ang ­apat na mambabatas sa United Nations (UN) Arbitration tribunal na madaliin ang pagresolba sa petisyong inihain ng Gobyernong Pilipinas hinggil sa patuloy na pang-aangkin ng teritoryo sa dakong West Philippine Sea (WPS) ng mga karatig bansa.

Ang hirit nina Representatives Ben Evardone (Eastern Samar), Cesar Sarmiento (Catanduanes), Dakila Carlo Cua (Quirino) at Rene Relampagos (Bohol) na magdudulot ng tuluyang kapayapaan sa rehiyong South East Asia (SEA) ang agarang pag-ayos sa isyu.

Nanawagan din sila sa mga kaalyado ng Pilipinas na suportahan ang nasabing petisyon na inihain alinsunod sa UN Convention on the Law of the Seas o UNCLOS.

Ang UNCLOS ay batas internasyunal na napagkasunduang ipatupad sa halos lahat ng mga bansa, kasama na ang Tsina at Pilipinas, na pumirma dito.

Nakapaloob sa UNCLOS ang proseso sa paghahain ng petisyon hinggil sa isyung pang-teritoryo tulad ng inihain ng Gobyernong Pilipinas noong Enero 2013.

Nakasaad sa UNCLOS at sa UN Charter, ang saligang batas ng mga miyembro ng UN, na ang mga bansang kasapi nito ay naniniwalang pantay-pantay sa karapatan. At obligasyon.

Nagmamando ang UNCLOS at UN Charter na obligasyon ng lahat ng miyembro ng UN na panatilihin ang kapayapaan sa kani-kanilang teritoryo, rehiyon at buong mundo. Walang lamangan, walang ‘bullying’.

***

Simple lang ang isyu: alam ng mga mambabatas na ang Resolution nila ay pawang suntok sa buwan. Ngunit, kaila­ngang subukan.

Alam nilang ang petisyong inihain ng Pilipinas ay mareresolba lamang ng naturang korte kapag ang bansang kinasuhan, gaya ng Tsina, ay magbibigay ng pahintulot o consent dito. Alam din nilang tutol ang Tsina sa inihaing petis­yon ng Gobyernong Pilipinas. At sa pananaw ni Mang Gus­ting, napapanahon ang Resolution 796 ng mga mambabatas.

Una, ang Resolution 796 ay pagpaparamdam ng suporta ng mga mambabatas -- apat sa ngayon -- sa isang ka-pantay na sangay ng gobyerno, ang Ehekutibo. Klaro ang mensahe ng apat na mambabatas na hindi nag-iisa ang Ehekutibo sa laban para sa soberenya.

Sa harap ng mga napapabalitang ‘di pagkakaunawaan ng mga ahensyang ito, kailangang maramdaman at makita ng sambayanan ang pagkakaisa ng mga lider ng bansa sa pagtutol sa panlalamang ng Tsina.
Walang iwanan, lalo na’t suportado ng karamihan ng mga kababayan natin ang posisyon ng gobyerno sa isyung ito, ­ayon sa pinakabagong SWS survey.

Pangalawa, ang paghimok sa Korte ng UN na madaliin ang kaso ng Pilipinas ay pagpapakita ng seryosong pagrespeto ng mga mambabatas sa binitawang commitment ng gobyerno na mapanatili ang kapayapaan sa Rehiyong SEA sa pamamagitan ng pagsunod sa batas internasyunal.

Pangatlo, ang paghingi ng suporta sa petisyon ng Pilipinas sa mga kaalyado nito ay pagsukat sa lalim ng kanilang paniniwala sa UNCLOS, na nagmamando ng mapayapang pagresolba sa isyung pang-teritoryo sa ilalim ng batas internasyunal.

Kumbaga, ang Resolution ay paalala at panawagan na rin sa Beijing na sundin nito ang kanyang pinirmahang UNCLOS at nang maagang maayos ang palala nang palalang tensyon sa rehiyon.

Mahigit isang taon nang nakahain ang petisyon sa korte ng UN ngunit tutol pa rin ang Tsina dito.

Pang-apat, ang Resolution ay paalala sa lahat na ang patuloy na tensyon sa WPS ay kumakain ng oras at pondo ng kada bansang kalahok dito, kung kaya’t kailangan nang maresolba ang problemang ito sa lalong madaling panahon.

Habang tumatagal ang tensyon sa WPS, kapansin-pansin ang pagbabago ng spending priorities ng mga bansang involved dito.

Ilang mga investor na rin ang nawalan ng interes na magnegosyo dito sa Pilipinas dahil sa tensyon sa WPS. Pinaniniwalaang mayaman sa mineral at langis at sagana sa yamang-dagat ang pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.  Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: