Wednesday, March 12, 2014
Ang pangarap!
Ang pangarap!
Rey Marfil
Talaga namang walang imposible.
Sa katatapos na prestihiyosong Oscar award sa Amerika, ang awiting “Let It Go”, na nilikha ng Filipino-American na si Robert Lopez, ang itinanghal na Best Song.
Ang parangal na nakamit ni Lopez ay isa lamang sa maraming pagkilala na nakamit ng kanyang nilikhang awitin na naging theme song ng pumatok ding animated movie na “Frozen”.
Simple lang ang mensahe ni Lopez sa mga ka-dugo niyang Pinoy nang tanggapin ang pagkilala sa kanyang nilikhang awitin, kahit na “Let It Go”, ang titulo nito, “don’t let go” naman ang kanyang payo sa mga may pangarap na nais makamit.
Sino nga ba naman ang mag-aakala na darating ang araw na isang ka-dugong Pinoy natin ang tatayo sa harapan ng entablado ng Oscar at tatanggap ng napakasikat na tropeo? Aba’y ilang beses na rin nating inasam-asam na sana ay may pelikulang Pinoy na manalo rin bilang Best Foreign Movie sa Oscar di ba?
Kung hindi pa ito nangyayari ngayon, malay natin sa susunod na taon o sa mga susunod pang taon. Ang mahalaga, “don’t let it go” sa ating mga pangarap ang hangarin.
***
Gaya ng ating basketball team na Gilas Pilipinas na sasabak sa FIBA World Cup sa Spain ngayong taon -- marami ang nagsasabi na mahihirapan ang Pilipinas muli sa nabanggit na torneo pero ngayon ay isa na itong katuparan.
Ganundin ang ating football team na Azkals na unti-unting lumikha ng pangalan sa naturang larangan ng isport at isa na ngayon sa mga pinapangilagang koponan sa Asya.
Mula sa kalye, sasabak ang tropa natin sa AFP Challenge Cup sa Maldives at kapag pinalad ay sa AFC Asian Cup sa Australia.
Isama na rin natin ang nagawa ni Michael Martinez na naging kauna-unahang Pinoy na sumabak at nakapasok pa sa finals ng 2014 Winter Olympics. Mantaking mong wala namang winter sa Pilipinas pero napakahusay niya sa ice skating. Take note: binibili sa Pilipinas ang yelo at pampalamig sa beer!
Sadyang may pag-asa ang buhay at nagiging posible ang imposible kapag pinagsikapan. Kaya naman hindi kataka-taka na kahit kinabayo tayo ng kalamidad at mga problema noong 2013, maaliwas pa rin ang pananaw nating mga Pinoy ngayong 2014.
Batay sa datos ng Social Weather Station na gumawa ng nabanggit na survey noong Disyembre 2013, +33 ang net ratings ng mga Pinoy na puno ng pag-asa ngayong 2014.
Ang magandang pananaw ng mga Pinoy para sa kanilang kabuhayan ay kapuna-puna raw na nananatiling mataas mula pa noong June 2011, at iyan ay sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Kung tutuusin, maging si PNoy ay tila humahawak din sa katagang “don’t let it go.” Bilang Pangulo at lider ng bansa, natural lang na siya ang unang makakaramdam ng problema dahil siya ang maghahanap ng lunas sa problema.
Pero papaano siya magle-let go kung ang mga kababayang boss niya na mga mamamayang Pilipino ay buhay na buhay ang pag-asa sa ilalim ng kanyang liderato.
Inakala natin noon na wala nang pag-asang mareporma ang bansa, pero nangyari iyon sa ilalim ng pamamahala ni PNoy, kaya tunay na walang imposible basta sama-sama at nagkakaisa. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment