Monday, March 31, 2014
Alaga ka!
Rey Marfil
Karaniwan na nating napapakinggan ang istorya ng isang mahirap na may sakit ang namatay nang hindi man lang nakapagpatingin sa doktor dahil walang pera. O kaya naman, isang mahirap na kababayan na lumalala ang sakit matapos magpatingin sa albularyo dahil wala ring pera para mapagpatingin sa tunay na doktor.
Mga masaklap na kuwento na maaari nang maiwasan dahil sa bagong programa ng pamahalaang Aquino.
Kung sa mga nakalipas na linggo ay tungkol sa mga proyekto at programang pang-imprastruktura at rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyong “Yolanda” ang ating nababalitaan, ngayon naman ay programang pangkalusugan ang inilunsad ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, na ang pangunahing makikinabang ay ang mga kababayan nating mahihirap.
Mismong si PNoy ang nanguna sa paglulunsad ng multi-sectoral advocacy campaign na “Alaga Ka para sa Maayos na Buhay” o “Alaga Ka”, na inaasahang pakikinabangan ng 14.7 milyong mahihirap na pamilya para makakuha ng pangunahing health care services sa mga pagamutan at klinika sa kanilang lugar.
Sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at sektor na pangkalusugan, naniniwala si PNoy na magiging matagumpay ang “Alaga Ka” program na pangungunahan ng Department of Health at PhilHealth, para maisalba ang maraming buhay ng mga mahihirap nating kababayan.
Kung tutuusin, nakakakonsensya naman talaga na sa modernong panahon ngayon ng teknolohiya ay may mga namamatay pa rin sa sakit na ang dahilan ay kawalan ng pambayad para sa check-up at pambili ng gamot; mga kawawa nating kababayan na ipinapaubaya sa tapal ng dahon na may langis na bigay ng albularyo ang kanilang buhay dahil wala silang kakayahan na magpasuri sa mga dalubhasa.
Ang masaklap pa nito, nagtitiis at namamatay ang mga mahihirap na may sakit, gayung may mga opisyal na nagpapasasa dati sa pondo ng bayan na dapat sana’y nailaan sa mga higit na nangangailangan.
Kung may mga opisyal naman na naglalaan nga ng pondo para sa mahihirap na may sakit, nagkakaroon naman ng palakasan at ginagamit sa pulitika ang pagtulong. Lintek talaga.
Kaya naman napapanahon at nararapat ang programang “Alaga Ka” ng gobyernong Aquino upang maipagpatuloy ang reporma sa usaping pangkalusugan.
***
Kung tutuusin, ilan pang programa tungkol sa pagpapahusay sa serbisyo ng PhilHealth ang naipatupad mula nang maging Pangulo si PNoy.
Bukod sa dumami pa lalo ang PhilHealth beneficiaries, nadagdagan din ang mga serbisyo nito at naisama na rin sa sakop ng mga tutustusan sa pagpapagamot ang mga delikadong sakit tulad ng sakit sa puso at ilang uri ng cancer na hindi kasama noon sa coverage ng PhilHealth.
Pero higit sa pagpapagamot, nais ni PNoy na gamitin ng mga benepisaryo ng programang “Alaga Ka” na agad silang magpatingin upang maagapan ang sakit.
Sa madaling salita, kahit walang sakit o kung may nararamdaman, maaari nang makapagpatingin ang ating kababayan para hindi na lumala ang sakit, o malaman nila ang posibleng maging sakit nila para maiwasan. Ika nga, “prevention is better than cure”.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment