Wednesday, March 19, 2014

Political stability!


                                                                     Political stability!  
                                                                         Rey Marfil



Tila hindi na maiiwasan ang pagporma ng ilang pulitiko at kanilang mga kaalyado para sa 2016 presidential election.

At kahit hindi naman kasali o kakandidato si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa nabanggit na halalan, mukhang idadamay siya sa bangayan ng mga naghahangad na pumalit sa kanyang puwesto sa Palasyo.

Kahit ilang beses nang binanggit ng Malacañang na wala pa sa isip nila ngayon ang 2016 elections dahil abala sila sa pagpapatupad ng mga proyekto at programa ng gobyerno, panaka-nakang may nagbabato ng kritisismo at intriga laban kay PNoy.

Gaya na lamang ng isinusulong na Charter change o planong pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas ng bansa. Kahit nagdeklara na ang Pangulo ng pagtutol sa naturang hakbangin, may nagpipilit pa rin na si PNoy daw ang promotor sa ginagawang ito ng liderato ni Speaker Feliciano Belmonte Jr.

Matapos ang alegasyon na may sikretong basbas daw ni PNoy ang Cha-cha move, ngayon naman ay may nang-iintriga na ginagawa ng mga kongresista ang Cha-cha para magtagal daw sa kapangyarihan ang kasalukuyang administrasyon kahit matapos na ang termino ni Aquino sa 2016.

Tila nakalimutan nila ang dating pahayag ng Palasyo na tiyak na bababa sa puwesto ang Pangulo pagtapos ng termino nito sa June 2016.

At hindi gaya ng mga nagdaang presidente na lantaran ang pagpabor sa Chacha, si PNoy, malinaw ang posisyon kontra sa paggalaw ng Saligang Batas kahit pa sinasabing economic provisions lang ang hihimayin at hindi kasama ang political gaya ng pag-alis ng term limits.

***

Pero bukod sa isyu ng Chacha, kinakaladkad ng mga mambabatas si PNoy sa ibang panukalang tinatakay nila kay Freedom of Information (FOI) bill, na nais nilang pasertipikahan urgent bill para mapabilis ang pagpasa.

Ngunit dahil hindi pabor ang Malacanang na sertipikahan ito na urgent bill para matalakay ng husto, kung ano-anong kritisismo na naman ang ibinabato sa pangulo.

May nag-aakusa na hindi raw seryoso si PNoy sa kampanya kontra sa katiwalian at kung ano-ano pa.  Mukhang nakalimutan din nila ang posisyon dito ng gobyernong Aquino na kailangang dumaan sa masusing pag-aaral ang panukalang batas para matiyak na hindi malalagay sa alanganin ang seguridad ng bansa.

Sa dalawang usapin na ito na idinadaan sa proseso ng lehislatura, trabaho ito ng mga mambabatas sa Kamara at Senado. Kapag nakialam dito ang Palasyo, tiyak na may magsasabing  nagdidikta si PNoy sa mga mambabatas.
Ngayong hinahayaan niya ang mga mambabatas na gawin ang trabaho nila, may pumupuna pa rin sa pangulo.

Maging sa pagpapasya at estilo ng pamamahala ni PNoy, mayroon ding pumipintas. May nagsasabing “matigas daw ang ulo” ng pangulo.
Hindi kaya ito’y dahil hindi pinakinggan ang payo niya na magpatalsik ng opisyal sa gobyerno? O baka naman may hiniling na hindi napagbigyan ng pangulo?

Pero anuman ang mga kritisismo at tawag na gawin nila sa estilo ng pamamahala ni PNoy, hindi nila maaalis ang katotohanan na bumuti ang lagay ng ekonomiya ng bansa.

Bukod diyan, nagbalik ang tiwala ng mga dayuhang negosyante at namumuhunan dahil sa ipinatutupad na reporma ng pamahalaan kontra sa katiwalian. At higit sa lahat, matatag at mayroong political stability ang Pilipinas kaya maayos ang takbo ng pamamahala.

Sa huli, alin ba ang mas mabuti? Ang presidente na hindi nag-iisip at sunud-sunuran na lang sa dikta at bulong ng iba? O presidente na inaalaman ang lahat at nagpapasya kung ano ang sa tingin niya ang nararapat kahit pa masabihan siyang matigas ang ulo? Doon na ko sa huli.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy nyo”(mgakurimaw.blogspot.com

No comments: