Friday, March 28, 2014
Modernisasyon!
Modernisasyon!
Makakatiyak tayo na isusulong ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang patuloy na modernisasyon ng militar hanggang bumaba ito sa kapangyarihan sa Hunyo 30, 2016.
Kahanga-hanga ang desisyon nitong bumili ng $524.7 milyong halaga ng mga eroplano sa South Korea at Canada.
Mahalaga naman talaga ang patuloy na pagpapalakas ng ating militar sa gitna ng umiigting na agawan sa teritoryo ng bansa at China sa West Philippine Sea.
Sinusuportahan natin ang pagpapalakas pa ng puwersang militar ng Pilipinas na dapat noon pa inasikaso ng nakalipas na mga administrasyon.
Ika nga ni Mang Gusting: Hindi maaaring habambuhay tayong ginigipit at pinagtatawanan ng China at iba pang kanugnog na mga bansa dahil maikukonsiderang halos puro sira ang mga sasakyang pandagat ng ating Navy habang puno ng hangin at walang puwersa ang ating Air Force.
Dapat magkaroon tayo ng disenteng depensa para sa ating teritoryo at magkaroon ng puwersang hindi mapupulbos ng mga kalaban at hindi rin basta-basta hihingi ng saklolo sa Estados Unidos.
Panahon na para hangaan natin ang ating sandatahang lakas sa halip na tawanan ang kahinaaan ng kanilang puwersa dahil sa kawalan ng sapat na malalakas na mga armas at gamit. Hindi natin dapat ikompromiso ang ating seguridad at depensa ng bansa.
Sa pahayag ni Defense Undersecretary Fernando Manalo, lalagdaan ang mga kontrata sa Marso 28 kung saan kasama dito ang pagbili sa 12 FA-50 fighter jets mula sa Korea Aerospace Industries na pag-aari ng pamahalaan ng South Korea sa halagang P18.9 bilyon o $417.95 milyon.
Nalaman rin kay Manalo na magsusuplay naman ang Canadian Commercial Corp. na pag-aari ng gobyerno ng Canada ng walong Bell 412 combat utility helicopters na nagkakahalaga ng P4.8 bilyon.
***
Nananatiling masidhi at mainit ang kagustuhan ng banyagang mga mamumuhunan mula sa mga bansang kasapi ng European Union (EU) na maglagak ng kanilang kapital sa Pilipinas, lalung-lalo na sa larangan ng komersyo, eneriya, pamamahala, urbanisasyon at migrasyon.
Inihayag ni Presidential Communication and Operation Office Secretary Sonny Coloma ang magandang balitang ito.
Asahan nating magpapatuloy sa pagkuha ang pamahalaan ng mga pamumuhunan mula sa pangako ng mga kumpanya sa Europa dahil sa matuwid na daan o malinis na pamumuno ni PNoy.
Idagdag pa natin sa patuloy na interes ng mga banyaga na magkaroon ng negosyo sa bansa ang pinaigting pang kampanya ng administrasyon para labanan ang katiwalian at pagbutihin ang kalagayan ng pagkakaroon ng pamumuhunan sa bansa.
Dahil sa lahat ng positibong mga bagay na ito, patuloy na nakakatanggap ang administrasyong Aquino ng pangakong pamumuhunan sa mga kumpanya sa Europa na ating inaasahang magiging aktuwal na pamumuhunan sa lalong madaling panahon matapos makuha ng bansa ang pagkilala bilang “investment destination” ng EU.
Sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), lumabas na EU ang pinakamalaking namumuhunan sa stock ng bansa na mayroong tinatayang P440 bilyon.
Sa pamumuhunan na ito, nakalikha ito ng tinatayang 400,000 trabaho sa Pilipinas.
Sa estatistika naman ng Board of Investments, umabot ang net Foreign Direct Investment (FDI) ng EU sa $174.22 milyon noong 2012 habang $10.35 bilyon naman ang kabuuang FDI Stock noong 2011.
Siguradong mananatiling malakas ang kagustuhan ng mga mamumuhunan mula sa EU na magpasok ng kapital sa bansa.
Sa katunayan, nangako pa ang matataas na EU officials ng karagadagang pamumuhunan. Pagkilala ito sa repormang nagawa ni PNoy sa pamahalan para palakasin ang “transparency at accountability” sa tulong ng malinis na pamamahala.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment