Friday, March 14, 2014

Amoy 2016!

               
                                                                    Amoy 2016!  
                                                                    Rey Marfil


Dalawang taon pa ang layo ng susunod na pampanguluhang halalan sa 2016, pero daig pa nito ang panahon ng Amihan dahil kahit barado ang magkabilang butas ng iyong ilong ay amoy na amoy mo ang simoy ng pulitika para sa nabanggit na halalan.

Pero bakit nga ba parang alimuom na sumingaw ngayon ang mga nagpopormahan sa 2016 presidential poll gayung dalawang taon pa naman sa puwesto si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino?

Sabi ng ating kurimaw sa pantalan, magsasagawa ng field work ang isang survey firm tungkol sa kung sino sa mga pulitiko ngayon ang nasasaisip ng mga tao na maaaring maisip nilang puwedeng maging kandidato bilang presidente at bise presidente.

Kumbaga, batid ng ilang pulitiko at mga opisyal ngayon na magkakaroon ng survey kaya naman may mga nag-iingay at nagpapatunog ng kanilang mga pangalan sa pag-asam na baka mabanggit ng mga mase-survey ang kanilang pangalan ito na rin nga naman kung maagang lulutang ang iyong pangalan bilang presidentiable o vice presidentiable.

Ang iba naman kasi diyan, puwesto ng senador talaga ang ambisyon at nagbabaka-sakali lang na baka maging matunog din ang pangalan nila sa mas mataas na posisyon bilang presidente o kaya naman ay bise presidente. Tandaan natin na parehong ibinoboto ng buong bansa ang tatlong nabanggit na national positions.

At dahil kailangan nilang mag-ingay alang-alang sa survey, may ibang bumabanat sa kapwa nila opisyal, may pumipitik sa kanilang mga kalaban at may nagpapa-cute lang para maka-landing sa balita ang kanilang istorya.

Hindi nga naman maganda kung lalabas na ang survey ng mga tinatawag na “presidentiable” at “vice presidentiable” eh wala ang pangalan nila. Sakaling lumabas man ang pangalan nila ay parang buteteng nalunod dahil nasa dulong ilalim ang puwesto at sobrang layo ng rating sa mga matu­tunog ang pangalan.

***

Ang mahirap lang nito, kahit hindi naman kandidato si PNoy at bababa sa puwesto sa 2016, pati siya ay nahahagip ng mga banatan ng mga nais pumorma sa panguluhang halalan.

Nandiyan na pilit na idinadawit siya sa Charter Change move sa Kongreso kahit pa ilang beses nang sinabi ng Pa­ngulo na hindi siya naniniwala na kailangan sa ngayon na amyendahan ang Saligang Batas.

Tila may smear campaign pa sa Kongreso dahil sa ipinaka­kalat umanong form sa mga kongresista na galing daw sa Palasyo.

Ang form ay magiging listahan daw ng mga proyekto na nais hingin ng kongresista sa Pangulo. Hindi lang ‘yan, unlimited pa raw ang pondong puwedeng hingin ng kongresista sa Malacañang para sa proyekto nito.

Pero mahirap paniwalaan ang naturang form na galing daw sa Palasyo dahil bukod sa blangko ang mga ito, wala namang kongresista kahit na ang mga taga-oposisyon na nagsabing totoo ang listahang iyon ng mga proyekto.

Aba’y kahit magtataho na marunong mag-computer ay maaaring makagawa ng form, makapagpa-Xerox at sabihin ito po’y galing sa Malacañang.

Pati nga ang P2 bilyong pondong alokasyon para sa mga infrastructure projects sa Tarlac na lalawigan ni PNoy ay binigyan ng kulay. May mga nais palabasin na nabigyan ng malaking pondo ang Tarlac dahil sa paboritismo dahil nga doon nagmula ang Pangulo.

Subalit sa paliwanag ng Palasyo, ang Public Works and Highways Department ang nagrekomenda ng pondo at mga proyekto, inendorso ng Department of Budget and Management at saka lang inaprubahan ni PNoy.

Kung tutuusin, baka nga ngayon lang nabigyan ng sapat na pansin ang infra projects sa Tarlac dahil alalahanin natin na oposisyon si PNoy sa maraming nagdaang taon at wala siyang nakuhang PDAF fund na inilalaan sa mga proyekto.

Bukod diyan, ano naman ang masama na maglaan ng ma­laking pondo sa isang lalawigan kung nagamit naman ito ng tama at napakinabangan ng wasto ng mga tao? Ang masama, kung nawaldas lang ang pondo at nag-all the way sa bulsa ng iilan.

Gayunman, panimula pa lang ito ng pormahan at banga­yan ng mga pulitiko. At habang papalapit ang 2016, asa­han na titindi at iinit pa ang birahan, at madadamay ang mga wala namang kinalaman gaya ni PNoy na bababa sa puwesto pagsapit ng nabanggit na taon.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: