Monday, March 17, 2014

Sino ang dapat mahiya?


                                                               Sino ang dapat mahiya?
                                                                          Rey Marfil

Dalawang isyu tungkol sa batas at kahihiyan ang bumandera sa media; ang isa ay tungkol sa isang magnanakaw umano ng tuyo na nahuli at ipinarada sa pelengke; at ang isa ay tungkol sa ipinalabas na ads o anunsyo ng Bureau of Internal Revenue (BIR) tungkol sa mga doktor at iba pang propesyunal na hindi nagbabayad ng tamang buwis.

Sa dalawang paksa, parehong may mga pumalag sa paggamit ng taktikang pagpapahiya para maipatupad ang batas. Kung tutuusin, walang mairereklamong diskriminasyon ang mga bundat na kurimaw sa kanto dahil parehong swak sa banga ang mayaman at mahirap sa magkaibang uri ng “shame campaign”.

Sa “shame campaign” na ipinatupad ng mayor ng Tanauan, Batangas sa nahuling magnanakaw daw ng tuyo, “ipinahiya” ito sa pamamagitan ng pagparada sa kanya sa palengke habang may karatulang nakasulat na “magnanakaw ako”.

Hindi lang iyon, para rin siyang Hawaiian dancer dahil isinukbit sa kanyang baywang ang ilang piraso ng tuyo na kanyang ninakaw sa isang kawawang tindera. Habang naglalakad, ipinapasigaw din sa kanya ang kanilang kasalanan sa pagkulimbat ng mga tuyo.

Marami ang nagalit sa “shame campaign” ng mayor ng Tanauan dahil nilabag daw nito ang karapatang pantao ng tirador ng tuyo. Kumalat din kasi sa Facebook ang video nang ginawang pagpataw ng parusa sa lalaki.

Pero kung may mga nagalit, marami rin ang natuwa. Dapat lang daw ang parusang sinapit ng suspek para hindi na umulit at hindi na rin pamarisan ng iba. Sa ibang mga kaso, madalas kasing nakakalaya ang mga nahuhuli sa tinatawag na “petty crime” gaya ng pagnanakaw, sa sandaling mahuli at maibalik nila ang kanilang ninakaw.

***

Isa pang pinag-usapan ay ang shame campaign ng BIR laban sa mga propesyunal na hindi nagbabayad ng tamang buwis. Sa inilabas kasing print ad o anunsyo ng BIR, ipinakita ang larawan ng isang “tila” doktor” na nakasampa sa isang “tila” guro.

Ang nais ipahiwatig ng ads, higit na nagbabayad ng tama ang mga guro na buwanan ang sahod, kumpara sa mga propesyunal gaya ng mga doktor na higit na malaki ang suweldo mula sa kanilang mga pasyente.

Ang anunsyo ay ikinagalit ng mga nasa medical profession dahil tila napag-initan daw sila. Pero ang tanong, totoo ba o hindi ang nais ipahiwatig ng BIR na may mga doktor at mga propesyunal na nagpapalusot sa pagbabayad ng tamang buwis? Ang sagot at inamin din naman ng ilang prospesyunal, totoo.

May kasabihan nga na, “the truth hurts”. Kung ikaw ay propesyunal na nagbabayad ng tamang buwis, bakit ka masasaktan? Kawawa naman ang mga karaniwang manggagawa na buwanan o kinsenas na ang suweldo, na bago pa man lumapag sa palad nila ang perang pinag­hirapan nila ay nakaltas na ang buwis na para sa gobyerno.

Pero ang ibang propesyunal na trabaho ay magbigay ng kanilang kaalaman at serbisyo, hindi lubos na namo-monitor ang kanilang buong kita kaya naman nakakapag­palusot sa buwis. At ang ganyang sistema, pasok sa “utak wang-wang” o panggugulang na nais ituwid ng administrasyong Aquino.

Sa usaping ito ng “shame campaign”, dapat lang mahiya ang mga “tinatamaan” ng hiya kung sila ay may nilalabag o hindi sila marunong sumunod sa batas. Dito akma rin ang kasabihan na, “bato-bato sa langit, ‘pag tinamaan, sapul!” Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: