Monday, March 10, 2014

Tinutulungan


                                                                      Tinutulungan  
                                                                     REY MARFIL


Magandang balita ang ulat ng Department of Agrarian Reform (DAR) kaugnay sa kanilang pamamahagi kamakailan ng kabuuang 756 ektaryang lupang agrikultural sa Zamboanga del Norte upang lalong mapabuti ang ka­buhayan ng mga magsasaka sa bansa.

Sa pamamagitan ni Agrarian Reform Sec. Virgilio R. de los Reyes, namahagi ang DAR ng kabuuang 464 certificates of land ownership award (CLOA) sa 394 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa mga munisipalidad ng Godod, Sirawai, Siayan, Sindangan at Dapitan City.

Ibinigay ang 297 CLOAs kay Felix Ligutom na kumakatawan sa Godod town, 34 CLOAs kay Majid Baid para sa Sirawai; 81 CLOAs kay Eufrocina Quitong para sa Siayan at Sindangan; at 52 CLOAs kay Abraham Bayron para sa naman sa ARBs ng Dapitan City.

Dinaluhan mismo ang distribusyon ng CLOA ng mga nangungunang opisyal sa lalawigan katulad nina Zamboanga del Norte Governor Roberto Uy, Dipolog City Mayor Evelyn Uy, Regional Director Julita Ragandang, at mga magsasaka at ibang stakeholders ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Pinasinayaan rin ng DAR ang groundbreaking ng P58 mil­yong rehabilitation project ng Dipolog Communal Irrigation System sa Sitio Banicapt, Galas sa Dipolog City.

Pinondohan ang proyekto ng Agrarian Reform Communities Project phase II (ARCP2) na may 50% counterpart na pondo sa lokal na pamahalaan ng Dipolog at inaasahang matatapos sa loob ng 210 araw.

Malaking bagay ang programa dahil inaasahang do­doblehin nito ang kakayahan ng mga magsasaka na magtanim para lalong umasenso ang kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng karagdagang ani.

Makikinabang sa proyekto ang 486 ARBs sa lugar at ma­ging ang mga residente ng kalapit na mga barangay.

Dadaloy ang irigasyon sa Barangay Gulayon, Sta. Felomina, Galas, Olingan, Punta at Sinaman.

Pinapatunayan ng mga programang ito ang dedikasyon ng pamahalaan na magkaroon ng reporma sa lupa sa bansa upang matulungan at lalong mapabuti ang kalagayan ng mga magsasaka sa buong bansa.

***

Magandang balita ang paniniyak ni Energy Sec. Carlos Jericho Petilla na ibabalik ang kabuuan ng nawalang kuryente sa Cateel, Davao Oriental sa loob ng 45 araw matapos manalasa doon ang bagyong Pablo noong Disyembre 2012.

Ginawa ni Petilla ang paniniyak alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na tinalakay ang problema matapos bumisita sa Tacloban City kamakailan.

Magandang naging mabilis ang pagkilos ni Petilla sa gitna ng pagkadismaya ng Pangulo sa sitwasyon dahil na rin sa turuan ng ilang opisyal.

Malinaw na ginagawa ng Pangulo ang lahat ng makakaya nito upang mahanapan ng solusyon ang mga problema na dulot ng mga kalamidad sa bansa.

At kapuri-puri rin ang ginawa ng mga opisyal sa pangu­nguna ni Philippine Ambassador to Malaysia Eduardo Malaya na nagtrabaho para sa pagpapauwi sa hindi dokumentadong libu-libo nating kababayan mula sa Malaysia.

Sa pamamagitan ng apela ng administrasyong Aquino, mahigit 7,000 undocumented Filipinos ang boluntaryong sumailalim sa voluntary repatriation program.

Tinatayang mayroong 8,000 hanggang 10,000 Filipinos ang nagtatrabaho o nananatili ng iligal sa Malaysia.

Nakipagtulungan ang embahada ng bansa sa mga opis­yal ng Malaysia para matiyak ang kaligtasan ng mga Filipino na iligal na nananatili sa Malaysia sa halip na hulihin at i­bilanggo ang mga ito.
Nagtungo ang ating mga kababayan sa tanggapan ni Malaya para makakuha ng exit permit upang makabalik ang mga ito sa Pilipinas nang hindi nakukulong ng kahit isang araw man lamang.

Magandang balita rin ang ulat ni Malaya kaugnay sa pagkakaloob ng pamahalaan ng legal na tulong sa ating mga kababayang nahaharap sa paglilitis sa Malaysia kaugnay sa naganap na karahasan sa Lahad Datu noong nakaraang taon.

Bukod sa regular na pagbisita ng mga opisyal ng Philippine Consul sa bilangguan sa Malaysia, inihayag ni Malaya na kinuha ng pamahalaan ang serbisyo ng international criminal law expert para saklolohan ang mga Filipinos.

Sa kabila ng apela ng administrasyong Aquino na sumuko ang mga loyalista, nanindigan ang pamahalaan na dapat pa ring tulu­ngan ang mga ito upang isulong ang kanilang karapatan sa due process.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: