Monday, March 24, 2014

Sagipin ang OPM!


                                                                    Sagipin ang OPM!  
                                                                           Rey Marfil


Hindi pala biro ang pagbagsak ng kita ng industriya ng musikang Pinoy sa nakalipas na mahigit isang dekada.
Mula sa P2.7 bilyon na kinita ng industriya noong 1999, nalagasan ito ng halos 70 porsiyento o P699 milyon na lamang nitong 2010.

At kung magpapatuloy ito, malamang sa kangkungan na pulutin ang mga ating mga kompositor at mang-aawit pagsapit ng 2020.

Kaya naman napapanahon talaga ang idinaos na Pinoy Music Summit para mapag-aralan at makagawa ng kaukulang hakbang ang mga nasa industriya at maisalba ang OPM o Original Pilipino Music.

Hindi naman sila nag-iisa sa layunin at ka-duet nila ang pamahalaang Aquino sa paghahanap ng paraan para makabangon ang industriya na may 346,000 mang­gagawang Pinoy.

Napakalaki kung tutuusin ng Pinoy music industry kaya hindi ito dapat hayaan na tuluyang mamatay.
Pero kung hindi maaagapan, baka magtuluy-tuloy ang pagkanta nila ng “and now the end is near” at tuluyang magsara ang telon sa kanila.

Bukod sa mga miyembro ng banda at lead vocalist o singer na nakikita nating kumakanta, kasama ring nagta­trabaho sa music industry ang mga kompositor, mga taga-areglo o naglalapat ng liriko, mga musikero at mga taong nasa loob ng opisinang nagpapatakbo ng record bar at kung anu-ano pa.

Sa ginanap na music summit, tama ang mungkahi ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa mga kasapi ng industriya na kailangan nilang pag-aralan kung papaano nila magagamit ang modernong teknolohiya ng internet kung saan nakakabili na ng kanta sa pamamagitan ng pag-download sa halip na bumili ng CD sa mga tindahan.

Sadyang malaki ang epekto ng internet sa music industry dahil kung noon ay isang buong album na may 12 kanta o track ang mapapakinggan, ngayon, kahit paisa-isang kanta ay maaari nang mabili online sa pamamagitan ng pag-download tulad sa iTunes.

Kaya naman malaking hamon sa industriya ang mungkahi ni PNoy na dapat pag-aralan nila ang pagsabay sa pagbabagong ito na ginagawa na ng mga bansang nananatili o nagawa nang buhayin ang kanilang music industry.

***

Napag-uusapan ang music, kapansin-pansin din ngayon ang pagsasama-sama ng mga sikat na singer sa abroad para gumawa ng isang kanta.
Bukod pa ito sa tinatawag na “cover” o pag-awit ng isang singer sa kanta ng ibang singer at mapapanood o mapapakinggan sa internet din.

Kung nagagawa ito ng ibang dayuhang mang-aawit, bakit hindi ito puwedeng gawin ng ating mga local artist alang-alang sa kanilang industriya?
Malamang marami ang gustong marinig o mapanood sa music video na magkasama sina Sarah Geronimo at Regine Velasquez. O kaya naman sina Gloc-9 at Gary Valenciano o ang rock legend na si Pepe Smith.

Habang nag-iisip ng paraan ang mga nasa industriya kung papaano mapapakinabangan ng husto ang mabuting dulot ng internet download, ang gobyerno sa pamamagitan ng Optical Media Board, pag-iibayuhin naman dapat ang kampanya laban sa pamimirata.

Iniutos na rin ni PNoy na mahigpit na ipatupad ang Executive Order na ipinalabas ng kanyang namayapang ina na si dating Pangulong Cory Aquino na nag-oobliga sa mga radio station na magpatugtog ng hindi bababa sa apat na OPM songs sa loob ng isang oras. Malaking tulong ito para sa exposure o promotion ng mga awiting Pinoy.

Hindi naman kataka-taka ang suporta ni PNoy sa OPM dahil kilala naman siyang music lover. Pero hindi lang dapat si PNoy, dapat lahat ng Pinoy ay magbigay ng suporta sa OPM at tangkilikin ang sariling atin; hindi lang sa mga awitin kundi pati na rin sa mga mahilig manood ng concert.

Maraming paraan na puwedeng gawin para muling marinig ang musikang Pinoy, kailangan lamang itong su­bukan at tanggapin ang hamon para hindi mapag-iwanan ng modernong panahon. Ika nga, we have to “face the music” para manatiling buhay ang OPM.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: