Wednesday, April 2, 2014

Pag-usad ng kapayapaan!



                                                             Pag-usad ng kapayapaan!
                                                                      Rey Marfil

Isang kabanata na naman sa kasaysayan ng Pi­lipinas ang naganap nitong Huwebes sa Palasyo ng Malacañang kaugnay ng ginawang paglagda ng pamahalaan ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Comprehensive Agreement of the Bangsamoro (CAB) na magbibigay-daan sa kapaya­paan ng bansa, hindi lang sa Mindanao.
Marahil may iba tayong kababayan sa Luzon at Visayas ang hindi masyadong nagbibigay ng pansin sa nabanggit na kasunduan dahil sa paniwala nila na malayo naman ito sa kanila. Marahil ay may mga nag-iisip din na hindi ito mahalaga sa kanila dahil sa akalang mga kapatid lamang nating Muslim sa Minda­nao ang makikinabang sa kasunduan.
Pero kung tutuusin, dapat subaybayan ng lahat ng ating kababayan ang tinatahak na usapang pang­kapayapaan ng pamahalaan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino at liderato ng MILF dahil buong bansa ang makikinabang kapag natigil na ang kaguluhan sa Mindanao.
Kahit malayo sa Luzon at Visayas ang kaguluhan na nagaganap sa Mindanao, mga kapwa Pilipino pa rin natin ang naglalaban-laban. Ang mga sundalong sumasabak sa giyera sa Mindanao, na ang iba ay nasasawi o nasusugatan, ay nagmumula sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Dahil sa kaguluhan, maraming taga-Mindanao ang lumilikas at ang iba ay napipilitang makipagsapalaran sa Luzon o Visayas.
Bilyun-bilyong pondo rin ang nailalaan ng gobyerno para tustusan ang tropo ng gobyerno sa Mindanao at pati na ang gastusin sa pagtulong sa mga evacuees; mga pondo na maaari sanang magamit sa iba pang mahahalagang programa o proyekto sa Luzon at Visayas.
Ngunit higit sa lahat, ang ganap na kapayapaan sa Mindanao ay magsasalba sa libu-libong buhay na maaaring mabuwis dahil sa digmaan bunga ng kani-kanyang paniniwala, na kung tutuusin ang puno’t dulo ng kanilang ipinaglalaban ay para pa rin sa kapa­yapaan at kasarinlan ng Bangsamoro.
***
Tunay naman na dapat batiin ang pamahalaang Aquino at lahat ng mga bumubuo sa peace panel ng pamahalaan at MILF sa narating na kasunduan na nagresulta sa CAB, na kailangan pang aprubahan at pagtibayin ng Kongreso para magkabisa. Pagkaraan nito, magdaraos ng plebisito sa mga lugar na masasakop ng Bangsamoro Entity na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region for Muslim Mindanao o ARMM.
Sa mga taong may personal na karanasan sa ilang taon nang digmaan sa Mindanao -- mula pa sa Moro­ National Liberation Front (MNLF), hanggang sa MILF, at iba pang armadong grupo sa rehiyon -- hindi kataka-taka na may mga naiyak at naging emosyunal sa naganap na pirmahan sa CAB.
Bakit ba naman hindi, ilang bata at magulang na ba ang naulila dahil sa digmaan? Ilang pamilya na ang nawalan ng kabuhayan at tirahan? Ilang kabataan na ang natigil sa pag-aaral? At ilang pangarap na ang naglahong parang bula? Mahirap nang bilangin dahil sa haba ng panahon na umalingawngaw ang pu­tok ng baril at mga panaghoy.
Hindi ba masarap isipin na darating na ang pag-asa sa Mindanao na wala nang mga paslit na umiiyak sa takot bunga ng mga putukan at pagsabog; wala nang dugong papatak sa lupa; wala nang luha ng pagdurusa; at wala nang maghihikahos sa mga evacuation center.
Nawa’y pakinggan ng iba’t ibang grupo sa Mindanao ang panawagan ni PNoy na suportahan at bigyan ng pagkakataon ang CAB. Matakot din sila sa babala ng Pangulo na hindi ito mangingiming gamitin ang buong puwersa ng pamahalaan sa mga mag-iisip na idiskaril ang hinahangad niyang kapayapaan.
Dapat tandaan na ang mga kakampi ng kapayapaan ay kakampi ng sambayanan. Habang ang mga tutol sa kasunduan ay kalaban ng katahimikan.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: