Wednesday, March 27, 2013

Makatotohanan!



Makatotohanan!
REY MARFIL




Nagdesisyon na si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na ibasura ang ipinasang panukalang batas ng Kongreso na Magna Carta for the Poor, na sa pananaw ng ilang tagamasid ito'y malayo sa katotohanan at magbibigay ng maling pag-asa sa mga mahihirap nating kababayan.
Muling ipinakita ni PNoy ang kanyang "makatotohanang" liderato na ibasura ang isang "popular" na panukalang batas, alinsunod sa reyalidad. Hindi nais ng Pangulo na sumakay sa mga "papoging" desisyon na sa huli ay hindi naman magagawa kaya ang ending, umaasa sa wala ang mga pinangakuan.
Gaya ng panukalang batas na ito ng Magna Carta for the Poor, prangkang inamin ni PNoy na walang sapat na pondo ang gobyerno para tugunan ang "magandang layunin" nito ang maipagkaloob sa mga mahihirap ang limang (5) pangunahing pangangailangan ng mga tao lalo na ang mga mahihirap sa usapin ng pagkain, trabaho, dekalidad na edukasyon, tahanan, at kalusugan.
Ginawang halimbawa ni PNoy ang isa sa limang tinukoy sa Magna Carta, ang usapin sa pabahay; kung bibigyan ng murang pabahay ang lahat ng maralitang walang bahay alinsunod sa panukala, gagastos na ang gobyerno ng tinatayang P3 trilyon na katumbas na ng pambansang budget ng bansa sa loob ng isang taon.
Take note: Pabahay pa lang ang humigit-kumulang P3 trilyong gagastusin kada taon, 'di pa kasama ang gagastusin sa pagkain, edukasyon, at kalusugan. Aber, saan kukuha ang gobyerno gayong P2 trilyon lamang ang kabuuang budget kada taon ng national government?
Nakasaad sa panukalang batas na kailangan nang gawin ang naturang mga pabahay dahil kung hindi ito magagawa ay maaaring maidemanda ang ahensyang namamahala rito ang National Housing Authority.
Kung ibang lider marahil, baka pinirmahan na agad ang panukalang batas dahil mag-eeleksyon ngayon, ang pogi points na ito na makukuha niya sa mga mahihirap ay maaaring maipasa sa kanyang mga kandidato sa darating na eleksyon.
***
Napag-usapan ang Magna Carta for the Poor, wala namang mawawala kay PNoy kung pinirmahan niya ang batas dahil hindi naman siya reelectionist sa 2016 elections. Ang magmamana ng sisi kapag hindi naipatupad ang nilalaman ng panukalang batas, walang iba kundi ang susunod sa kanyang gobyerno.
Pero iba ang lider natin ngayon, ito'y matuwid at kabaliktaran ang karakter sa nagdaang Pangulo, as in ang mga desisyon niya'y nakabase sa katotohanan at hindi pantasya. "Kung kaya, kaya!; kung kakayanin, kakayanin!; kung hindi, hindi!" -- ganyan kasimple ang kanyang mga desisyon.
Sa usapin ng Magna Carta for the Poor, hindi pa naman ito masasabing tuluyang "HINDI" kay PNoy.
Katunayan, ipinaubaya niya ang panukalang batas sa kinauukulang opisyal upang pag-aralan at bumuo ng mas makatotohanang bersyon na makakayang ipatupad ng gobyerno.
Bukod diyan, wala namang tigil ang kasalukuyang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa upang matulungan ang mga mahihirap nating kababayan. Wala man ang Magna Carta, nakalatag ang mga programa ng gobyerno para tugunan ang limang usapin ang kawalan ng trabaho, pabahay, edukasyon, kalusugan at pagkain.
Ngunit dahil panahon ngayon ng eleksyon, asahan na mayroon mga pupuna at babatikos sa ginawang pag-veto ni PNoy sa panukalang batas. At kagaya ng prediksyon ni Mang Kanor, nagsimula na ngang "magmarunong" ang mga kulelat sa senatorial survey para mapag-usapan ang pangalan sa peryodiko.
Ang pagsakay sa Magna Carta for the Poor, ito'y nangangahulugang makakuha ng "pogi" points ang mga "nangangamoteng kandidato" mula sa mga maralita at asahang may mga hihirit at mag-aakusa na kontra at sadyang walang malasakit sa mga mahihirap ang ating Pangulo.
Sa huli, hindi naman makitid ang isip ng ating mga kababayang mahihirap. Maraming taon na silang ginagamit ng mga mapagsamantalang pulitiko at grupo.
Nararamdaman nila kung sino ang tunay na may malasakit para sa kanila.

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: