Monday, March 4, 2013

Nagsulputang anay!



Nagsulputang anay!
REY MARFIL



Umabot na sa tatlong linggo ang standoff sa Sabah, Malaysia kung saan nananatili sa isang barangay ang may 200 Pilipino na tagasunod umano ng Sultan ng Sulu na umaangkin sa Sabah. At nakaraang Biyernes (March 1), humantong sa madugong bakbakan dahil sa katigasan.
Sa kabila ng pagkamatay ng ilang tauhan, patuloy na nagmamatigas si Sultan Jamalul Kiram na hindi aalis sa Sabah ang kanyang kapatid, ang mga kapanalig nito kahit paulit-ulit pang nakiusap at nagmanikluhod si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino. At dinedma rin ang banta ng Malaysian government.
Ang ilang ulit na pagpapaliban sa planong pagdakip ng mga awtoridad ng Malaysia sa mga Pinoy na nagkukuta sa Datu Lahad village, ito'y bunga na rin ng pakiusap ng pamahalaang Pi­lipinas. Iyan ay para mabigyan ng pagkakataon at patuloy na maisagawa ang dayalogo ng gobyerno ng Pilipinas sa pamilya ni Kiram na bumalik na sila sa Pilipinas.
Ang paghikayat ng pamahalaan na lisanin ng tropa ni Kiram ang Sabah ay hindi dapat na ituring na pagsuko o kawalan ng interes ng gobyernong Aquino na ituloy ang pag-angkin sa Sabah.
Sa halip, ang iniiwasan ng pamahalaan ay mauwi sa madugong komprontasyon ang sitwasyon. At nangyari ang kinakatakutan ni PNoy na pilit namang isinisisi sa gobyerno ang madu­gong engkwentro, katulad ng gustong palabasin ng mga "anay" na nagsulsol!
Makalipas ang ilang administrasyon, muling lumutang ang mga "anay" at ngayo'y nag-iingay para painitin ang Sabah issue isang pamamaraan upang hilahin pababa ang gumagandang imahe ng Pilipinas.
'Ika nga sa mga talumpati ni PNoy iyan ang "Pilipinong alimango", hindi makakalabas at makakatakas sa timba dahil naghihilahan!
Ang deklarasyon ng mga Kiram na hindi sila aalis sa Sabah at handa silang mamatay kung walang makikipag-usap sa kanila tungkol sa kanilang paghahabol sa Sabah sa panig ng pamahaan ng Pilipinas at Malaysia, ay maituturing na pangho-hostage.
'Ika nga ni Mang Kanor, mistulang pananakot ito na dadanak ang dugo kung hindi sila kakausapin bagay na hindi naman siyempre papayag ang gobyerno ng dalawang bansa. Kung nais ng mga Kiram na makuha ang suporta ng Pilipinas at muling mapag-usapan ang kanilang pag-angkin sa Sabah, kailangang sundin nila ang utos ng pinuno ng Pilipinas -- si PNoy.
***
Napag-usapan ang pag-aangkin sa Sabah, kailangan din kasi munang malaman kung sino ba talaga sa mga Kiram ang dapat kilalanin na may karapatan at awtoridad na kumatawan sa pag­hahabol sa Sabah.
Mahirap na nga naman na baka habang kinakausap ng gobyerno ang isang panig ay mayroon na namang magrereklamo na sila ang dapat kinakausap.
Kung tutuusin, nakamit na ng mga Kiram ang kanilang pakay na muling mabuhay ang usapin ng Sabah; at hindi lang ang Pi­lipinas at Malaysia ang nakapansin nito, kundi ang buong mundo. Kaya ano pa ang dahilan para manatili sila sa Sabah at isu­gal ang buhay ng kanilang mga tagasuporta?
Matapos man ang madugo o mapayapang paraan ng standoff na ito sa Sabah, tiyak na magkakaroon ito ng masamang epekto sa libu-libong Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho na sa Sabah. At ngayo'y nagsimula nang maghigpit ang Malaysia sa pagpunta doon ng mga Pinoy sa pangambang maulit ang insidente.
Pero ang pagbuhay nga ba sa pag-angkin ng Sabah ang pa­ngunahing dahilan ng pagtungo doon ng mga tagasuporta ng Sultan? Ang duda ni Mang Gusting, hindi kaya may iba pa silang intensyon na nais nilang iparamdam kay PNoy?
Hirit naman ni Mang Kanor: Hindi kaya konektado ito sa isinusulong na usapang pangkapayapaan ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), as in ayaw nitong magtagumpay ang pamahalaan dahil marami ang mawawalan ng raket sa Mindanao?
Sa mga naunang ulat na lumabas, isa sa mga lumutang na hinanakit ng Sultan ay hindi umano sila naisama sa konsultasyon sa binubuong Framework Agreement ng pamahalaan at MILF.
Bagay na itinanggi naman ng mga may kinalaman sa negosasyon. Sinasabing kamag-anak din ng Sultan si Nur Misuari na dating pinuno ng Moro National Liberation Front (MNLF), na nagpahayag din ng pagtutol sa binubuong kasunduan sa MILF.
Kaya naman hindi maiwasan na may mga magduda na baka may nais lang manabotahe sa usapang pangkapayapaan sa MILF lalo pa't umuusad na ito para mabuo ang Framework Agreement.  
Bagaman itinanggi naman ni Sultan Kiram na sinasabotahe nila ang MILF-gov't peace talks, mas makabubuting himukin na nito ang kapatid at mga tagasunod na sundin ang pakiusap ni PNoy na bumalik na sa Mindanao.

Laging tandaan: "Bata mo ko at ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: