Panibagong pag-asa! | |
Napakaganda ng timing ng Semana Santa ngayong taon na tila maraming bitbit na bagong pag-asa sa ating mga Pilipino.
Tulad ng pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus, maraming senyales na ipinapakita sa ating bansa tungo sa panibagong buhay.
Sa paggunita kamakailan ng Holy Week, nataon ang pagpapalabas ng ulat ng Fitch rating kung saan naibigay nila sa ating bansa sa unang pagkakataon ang inaasam nating mataas na positibong investment grade.
Sa unang pagkakataon nga, nakamit ng Pilipinas sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang "BBB" rating mula sa dating "BB+". Patunay ito na nasa tamang daan ang pamamalakad sa ating ekonomiya, na napapansin naman ng mga dayuhang namumuhunan.
Kung may positibong balita, natural lang na mayroong mga "utak-nega" na galing sa mga kritiko ng administrasyon. Uusisain nila na wala namang silbi ang mas magagandang investment rating, at pupunahin nila na hindi naman ito nararamdaman ng mga karaniwang manggagawa.
Natural din na mayroong mga alipores ng nakaraang administrasyon na aangkinin ang kredito sa nakamit na positibong rating ng bansa. Palalabasin na sila ang higit na magaling kahit pa ang katotohanan ay tatlong taon na silang wala sa posisyon.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakatanggap ng positibong pagtanaw mula sa mga dayuhang credit at investment ratings ang Pilipinas. Bukod sa mahusay na pamamalakad sa pananalapi ng bansa, pinupuri rin nila ang kampanya ni PNoy sa pagsupil sa katiwalian para maibalik ang kumpiyansa ng mga dayuhang namumuhunan.
Malaking bentahe para mapaganda ang imahe ng Pilipinas sa larangan ng kalakalan ang maipakitang "patas" ang labanan ng mga namumuhunan sa bansa; wala na ang palakasan at lagayan system para makapagnegosyo dito.
***
Napag-usapan ang mga kritiko, natural din na hindi kaagad mararamdaman ng bansa ang magandang ratings na ibinigay ng Fitch, pero sa darating na taon, asahan na dadami ang mga dayuhang mamumuhunan sa Pilipinas na magiging negosyo, at magdudulot ng maraming trabaho sa ating mga kababayan at dagdag na kita naman sa gobyerno.
Sa mensahe nga ni PNoy para sa Linggo ng Pagkabuhay, sinabi niya na dapat makita ng mga Pinoy at ng bansa ang sarili sa muling pagkabuhay ni Hesu Kristo -- na maging larawan ng pag-asa tungo sa bagong buhay.
Bakit nga naman hindi, sino ba ang mag-aakala na makakamit natin ang mataas na markang ibibigay ng Fitch makaraan ang maraming taon na nalubog sa katiwalian ang pamamahala sa Pilipinas? Ang ating stock market, sunud-sunod ang pagtatala ng mga "record-breaking" na marka sa lakas ng kalakalan.
Kahit papaano, mas dumami na ang mahihirap nating kababayan na nasusuportahan ng Conditional Cash Transfer program ng gobyerno; nagagawa na rin nating isama sa PhilHealth ang mga magastos na pagpapagamot ng mga sensitibong sakit.
Hindi lang 'yan, unti-unti nang nasosolusyunan ang problema sa kakulangan ng silid-aralan; at nasusuportahan na ang produksyon ng palay sa bansa at hindi magtatagal ay mag-e-export na rin tayo.
Ang lahat ng mga ito ay nangyayari na sa loob pa lang ng halos tatlong taon ng administrasyong Aquino. Kaya dapat kapanabikan kung ano pa ang magagandang balitang naghihintay sa ating bansa sa susunod na nalalabing tatlong (3) taon ng termino ni PNoy.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment