Monday, March 25, 2013

Magbayad kayo!



Magbayad kayo!
REY MARFIL




Sa mga susunod na araw, huwag ipagtaka kapag marami kayong nakitang Filipino-Chinese na nagmamadaling pumunta sa Bureau of Internal Revenue para magbayad ng kanilang buwis o kumukuha ng Tax Identification Number o TIN. 
Sa isang pagtitipon ng Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc., inimbitahan nila si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino para maging guest speaker. Kung inaakala nilang bobolahin sila at kakamutin ang likod para hikayatin na lumikha pa ng mga negosyo para magkaroon ng dagdag na trabaho… nagkakamali sila!
Gaya ng ibang okasyon kung saan naging tagapagsalita si PNoy, naging matapat siya at diretsahan sa kanyang mga binitiwang salita na nilalaman ng kanyang isip kahit pa masakit ito at nandoon pa ang mga mahahagip. 
Sa talumpati ni PNoy sa harap ng mga negosyanteng Tsinoy, pinaalalahanan niya na may kasamang pagbabanta ang mga miyembro ng organisasyon na magbayad ng tamang buwis kung ayaw nilang maging laman sila ng presscon ni BIR Commissioner Kim Henares.
Bakit ba naman hindi! Mantakin n'yo na mayroon pa lang mga negosyanteng Tsinoy na ang buwis na binayaran lang ay hindi pa umaabot ng P1,000, at mayroon din na talagang wala o zero.
Kaya hindi rin natin masisisi ang mga karaniwang manggagawa na suwelduhan kada kinsehan o katapusan na magalit dahil awtomatiko silang nakakaltasan ng buwis, samantalang maraming mayayaman ang nagpapalusot sa pagbabayad ng buwis. 
Samantalang marami pa lang Tsinoy na limpak-limpak ang kinikita sa kanilang negosyo pero hindi nagbabayad ng buwis! Aba'y kaya pala marami sa kanila ang madaling yumaman at patuloy na yumayaman. 
Mismong si PNoy, sinabi niya sa harap ng mga negosyante na ikinagulat niya nang malaman ang isinagawang pag-aaral sa listahan ng mahigit 200 kasapi ng samahan na marami sa mga ito ang walang TIN, hindi nagsusumite ng kanilang tax return, at kung nagbabayad man ng buwis, napakaliit. 
***
Napag-usapan ang talumpati ni PNoy, sa pagtaya at sa ginawang pag-aaral sa samahang ito ng mga negosyanteng Tsinoy, lumilitaw na nasa 16 porsyento lang ng 207 kasa­ping kumpanya ang nagbabayad ng tamang buwis… ang iba, pasaway! At sa 552 indibidwal na kasapi, 64 porsyento rin ang hindi nagbayad ng tamang buwis.
Kaya naman ang paalala ni PNoy, may panahon pa ang mga pasaway na negosyante na magpakatino sa pamamagitan ng pagbabayad ng tamang buwis hanggang matapos ang takdang araw sa pagbabayad ng buwis sa Abril. Kung mananatili silang pasaway, si Comm. Henares na raw ang bahala sa kanila. 
Muling ipinaalam ni PNoy sa mga negosyante na tapos na ang panahon ng pagpapalusot sa ilalim ng kanyang administrasyon. Dapat nga namang isipin ng mga negosyanteng ito na ang buwis na ibabayad nila ay mapupunta sa tunay na proyekto at programa na pakikinabangan ng mga nangangailangan. 
Tapos na ang panahon na puwede ang mga palusot sa pagbabayad ng buwis dahil may ilang timawang opisyal ang nakikinabang sa kalokohan.
Kaya lang, kahit tatlong taon na ang gobyernong PNoy, mukhang marami pa rin sa mga negosyanteng Tsinoy ang ayaw dumaan sa tuwid na daan. 
Pagkatapos ng bayaran ng buwis sa Abril, malalaman natin kung sino sa mga ito ang mananatili sa baluktot na daan. Pero hindi lang ang mga pasaway na negosyante ang dapat sampolan, kundi maging ang mga nasa gobyerno na kumunsinti sa mga ito para hindi magbayad ng tamang buwis.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: