Friday, March 15, 2013

Di pinabayaan ang Pampanga!




Di pinabayaan ang Pampanga!
REY MARFIL


Pinangunahan ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang inagurasyon ng Plaridel Bypass Road project na itinayo upang mabawasan ang sikip sa daloy ng trapiko sa Pan-Philippine Highway (PPH) ng 40%.
Itinayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bagong bypass road sa ilalim ng loan agreement na nilagdaan ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA). Sa ilalim ng Plaridel Bypass Road project, mayroon itong habang 24.61 kilometro, 2.40 kilometrong access road at 10 tulay.
Binabaybay ng kalsada ang mga munisipalidad ng Balagtas, Guiguinto, Plaridel, Bustos at San Rafael sa Bulacan.
Bahagi ang proyekto ng pagpapabuti ng Inter-Urban Highway System sa Philippine-Japan Friendship Highway para paluwagin ang mga kalsada sa matataong mga lugar sa kahabaan ng Maharlika Highway patungong Cagayan Valley Road mula sa Bulacan.
Magandang balita rin ang pagbubukas ni Pangulong Aquino ng marker at inagurasyon sa tulay na matatagpuan sa Mac­Arthur Highway sa Barangay BiƱang 2nd, Bocaue, Bulacan.
Pinalawak sa apat ang dating two-lane na tulay para matiyak ang kaligtasan at maging kumportable ang mga motorista sa MacArthur Highway na dating kilala sa tawag na Manila North Road.
Sa mismong project briefing, ipinagmalaki ni Public Works and Highways Undersecretary Alfredo Tolentino na nakatipid ang pamahalaan ng P4 milyon para sa mga proyekto dahil sa transparency sa ilalim ng "tuwid na daan" na polisiya ng administrasyong Aquino.
Umabot sa P61.5 milyon ang halaga ng inaprubahang halaga ng proyekto kung saan P57.4 milyon lamang ang nagastos. Mahalaga ang tulay para lalong matulungan ang mga negosyo sa lugar kaya't maraming salamat sa daang matuwid ni Pangulong Aquino.
***
Makatwiran ding batiin si PNoy sa kanyang dedikasyon na matapos ang mga proyekto sa Pampanga dahil na rin sa pagsunod ng publiko sa kanyang matuwid na daan na polisiya sa lalawigan.
Walang kuwestiyon na naibigay ng administrasyong Aquino ang mga reporma sa Pampanga dalawang taon at siyam na buwan matapos itong humalili sa dating pamahalaan.
Iniulat ng Pangulo ang pagtugon ng pamahalaan sa kakapusan sa 66,800 silid-aralan na mareresolba sa Disyembre 2013.
Nagawa naman ng Department of Education (DepEd) noong nakalipas na taon na mabigyan ang mga bata ng sapat na libro at upuan.
Sa lalawigan ng Pampanga, inihayag ng Pangulo na nakagawa ang pamahalaan ng 1,250 silid-aralan para sa kapakinabangan ng mga estudyanteng Kapampangan.
Gagawin din ng pamahalaan ang lahat para matiyak na magkakaroon ng kuryente ang lahat ng komunidad kung saan sinisimulan nang ilawan ang 36,000 pang sitios na walang kuryente. Kamakailan, nabigyan ng kuryente ang 7,200 sitios.
Sa kabuuang 36,000 sitios, target ng pamahalaan na ila­wan ang 77 sitios sa Pampanga sa ilalim ng Sitio Electrification program, kalahati sa mga ito ang nabigyan na ng kuryente sa murang halaga.
Target din ng Pangulo na maibaba mula sa isang oras tungong 30-minuto ang paglalakbay mula Pampanga patungong Bataan sa panahong ganap na matapos ang Gapan-San Fernando-Olongapo Road project.
Inaasahan ding makikinabang ang turismo at komersyo dahil sa pagpapalawak na isinasagawa sa 12-kilometrong Lubao-Hermosa, Bataan na kalsada at lumuwag din ang sikip ng trapiko sa San Fernando City matapos mabuksan ang Lazatin flyover.
Nakikinabang din ngayon nang husto ang mga bayan ng Florida Blanca, Magalang, Lubao, Sta. Ana, Mexico, Masantol at Apalit sa pagtatapos ng ginawang pitong farm-to-market roads ng administrasyong Aquino.
Karagdagan ito sa P52 milyong alokasyon sa pagkumpuni at rehabilitasyon ng limang sistema ng irigasyon para matulungan ang sektor ng agrikultura sa Pampanga.
Sinimulan na rin ng pamahalaan ang Delta Phase 1 Pampanga River Project na magpapalakas sa sistema ng dike at mabigyang-proteksyon ang mga komunidad sa Bulacan at Pampanga laban sa pagbaha.
Bahagi ang Delta Phase I Pampanga River Project ng P5 bilyong proyekto ng pamahalaan o ang Flood Management Master Plan na siyang magsusulong ng rehabilitasyon ng San Fernando City, Sto. Tomas at Minalin Tail Dike at maging ang Del Carmen-Balimbing Creek.
Isinasagawa rin para sa Kapampangan ang P2.9 bil­yong Integrated Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation Measures para sa mabababang mga lugar sa Pampanga Bay.
Kasama sa unang bahagi ng proyekto ang paghuhukay sa 32-kilometrong ilog sa Pampanga para hindi umapaw sa panahon ng pagbaha.
Kabilang naman sa ikalawang bahagi ang pagpapataas sa mga binabahang mga lugar at paglilipat ng mga eskwelahan sa mas ligtas na mga lugar.

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: