Wednesday, March 20, 2013

Mamasyal!



Mamasyal!
REY MARFIL



Tagaktak na naman na parang talon ng Hinulugang Taktak ang pawis sa kili-kili nating mga Pinoy ngayong opisyal na deklarado na ang pagsisimula ng summer season. At ang kasabay ng panahon ng tag-init, panahon ng bakasyon at pagliliwaliw.
Pero sana lang, huwag naman nating kalimutan na unahin ang magagandang tanawin natin sa Pilipinas sa listahan ng mga lugar na nais ninyong puntahan. Baka naman magpatalo pa tayong mga Pinoy sa mga dayuhan na kumikilala sa Pilipinas na kabilang sa mga bansang dapat pasyalan.
Parang may mali kung ang mga dayuhang turista ay nagdadatingan sa Pilipinas para makita ang kagandahan ng ating bansa, samantalang ang mga Pinoy, nag-aalisan naman para mamasyal sa ibang bansa gayung hindi pa nila nabibisita ang ilan sa mga ipinagmamalaki nating pasyalan.
Kamakailan nga lang ay pinirmahan ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino ang isang batas para alisin ang 3% common carrier's tax sa mga foreign airlines na nag-o-operate sa Pilipinas para maibaba ang presyo ng air fare.
Inaasahan na makatutulong ang bagong batas na ito para makaakit pa ng mas maraming dayuhang turista na papasyal sa Pilipinas. Malaki kasi ang potensiyal ng turismo ng bansa na hindi lang makapagpapataas sa ekonomiya ng bansa, kundi may direktang silbi rin sa mga kababayan natin na nais magkatrabaho.
Bukod kasi sa mga manggagawang direktang makikinabang sa pagtaas ng turismo gaya ng mga nagtatrabaho sa mga hotel at resort, mayroon ding mga hindi direktang makikinabang sa paglago ng turismo gaya ng mga driver na masasakyan ng mga turista, mga bangkero, mga gumagawa ng souvenir, at kung anu-ano pa.
At kamakailan din lang, umangat ng 12 baitang ang Pilipinas sa listahan ng Travel and Tourism Competitiveness Report 2013 ng World Economic Forum. Habang ang Guangzhou Information Times at Guangzhou International Tourism Fair, kinilala ang Pilipinas bilang "Most Popular Destination in Asia".
***
Napag-usapan ang turismo, ang ipinagmamalaki nating Boracay Island ang inilista sa TripAdvisor's Travelers' Choice of Best Beaches in Asia sa taong 2013. Tinalo nito ang 24 na iba pang mga beaches sa Asia. 
Pero kung tutuusin, maliban sa mga beach ay marami pang lugar na magandang puntahan at i-explore 'ika nga, hindi lang ng mga dayuhan kundi tayo mismong mga Pinoy.
Ngunit bukod sa pagiging explorer, maaari rin tayong maging tourism ambassador sa pamamagitan ng paborito nating gawin kapag namamasyal... ang "picture! picture!" at "upload! upload!" sa ating mga social networking sites gaya ng Facebook at Instagram.
Malay mo, ang katuwaang picture ng barkada na sabay-sabay na tumatalon sa tabi ng beach habang papalubog ang araw na in-upload mo sa FB, eh nakita pala ng kaibigan mo at "ni-like", at pagkatapos ay nakita naman ng kaibigan niyang fo­reigner na nagandahan sa lugar kaya magpaplano siyang bumi­sita sa Pilipinas para makita iyon nang personal.
Ang kagandahan sa usapin ng turismo, kumbaga sa laro ay hindi ito basketball na madedehado tayong mga Pinoy kapag palakihan na ng manlalaro ang pag-uusapan. Dito sa turismo, hindi kailangan ang height, ang kailangan lang ay abilidad at husay ng presentasyon ng laro at malaki ang tiyansa nating manalo.
Ang ibang bansa sa Europe, nabubuhay ang kanilang ekonomiya dahil sa turismo. Kaya kung mapapaganda natin nang husto ang mga pasilidad at imprastruktura ng ating turismo, tiyak na malaki ang magagawa nito para magkaroon ng trabaho ang ating mga kababayan.
Pero siyempre, bago magustuhan ng mga dayuhan ang ating produkto, dapat mauna tayong mga Pinoy na tumangkilik nito. Kaya ano pa ang hinihintay natin? Mag-empake na at mamas­yal… ooops! 'Wag kalimutan ng camera para sa "picture! picture!".

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

1 comment:

Anonymous said...

Kaso ang hirap mamasyal sa atin. Sa mahal ng presyo ng bilihin at pagrenta ng mga cottage sa mga sikat na beaches o mga pasyalan..Bilang isang pangkaraniwang Pilipino hindi na rin makayanan mamasyal sa magagandang lugar na eto. Minsan parang lumalabas na tuloy na nagiging dayuhan tayo sa sarili nating bansa.