Kakaiba! | |
Hindi ba't kahanga-hanga ang kabaitan at konsiderasyong ipinakita ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino sa paggunita ng kanyang ika-53 taong kaarawan ng nakaraang Pebrero 8, nang bisitahin ang isang pasyenteng may kanser sa buto sa isang ospital sa Quezon City.
Nagtungo ang Pangulo sa Philippine Orthopedic Center para makita ang 15-anyos na lalaking nagngangalang si Jericho Rafols na humiling na makita siya.
Sa kabila kasi ng kanyang abalang-abalang iskedyul, naisingit pa ng Pangulo ang pagpunta sa maysakit na bata upang personal itong batiin.
Naging ordinaryong araw sa Pangulo para sa kanyang trabaho ang dapat sanang espesyal na araw kung saan nanguna pa ito sa isang buong pagpupulong ng kanyang mga gabinete kinatanghalian bago ilaan ang kaunting oras para makasama ang mga kasapi ng pamilya at ilang mga kaibigan.
Ipinakita lamang ni Pangulong Aquino kung gaano ito kasubsob sa trabaho na malayung-malayo sa ibang mga lider na inuubos ang buong araw hanggang sa mga susunod pang mga araw para sa marangyang paggunita ng kanilang kaarawan.
At nakakatuwa ring marinig kay PNoy na inaasahang magsisimula ang operasyon ng Light Rail Transit (LRT) Line 1 Cavite Extension sa 2015. Malaking tulong naman talaga ito kung saan inaasahang lalaki lalo ang arawang bilang ng mga sumasakay sa LRT 1 sa 250,000 pasahero.
Layunin ng LRT Line 1 Cavite Extension Project na magkaloob ng mabilis at maaasahang sistema ng transportasyon sa mataong lugar sa katimugang bahagi ng Maynila at maging sa mga estratehikong komersiyal, industriyal, at edukasyunal na mga establisyimento at distrito sa Metro Manila.
Isang magandang balita rin ang naging pahayag ni PNoy na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang implementasyon ng pangunahing mga imprastraktura para lalong sumulong ang kaunlaran sa Cavite.
***
Napag-usapan ang good news, isa pang magandang balita ang naging pahayag ni World Bank Philippines Country Director Motoo Konishi na nakatulong ng malaki sa pag-asenso ng ekonomiya ng Pilipinas ang macroeconomic stability, transparency at pananagutan na bahagi ng ilang mga reporma sa pamahalaan.
Mismong ehekutibo ng isang kapita-pitagang internasyunal na institusyon sa pagbabangko ang kumilala at humanga sa naganap na mga reporma sa bansa.
Dahilan ito upang sabihin ni Konishi na hindi na "sick man of Asia" ang Pilipinas kundi "rising tiger" sa kabila naman ng pandaigdigang pinansiyal na krisis na nagaganap.
Maging ang Germany, pinakamalaking ekonomiya ngayon sa Europa, sa pamamagitan ni German Foreign Minister Guido Westerwelle at kanyang delegasyon na dumalaw kay PNoy ang nagsabing pangunahing susi ngayon ang Pilipinas sa pag-unlad ng mundo.
Tandaan nating nagkaroon ang bansa ng 6.6% na paglago sa ekonomiya noong 2012 at tinalo ang pinakamalapit na naging kakompetensya na Indonesia na nakapagtala lamang ng 6.2% pagtaas ng kanilang ekonomiya.
Asahan na natin na lalo pang magsusumikap ang administrasyong Aquino at gagamitin ang magandang pagkakataong ito para maipatupad ang iba pang mga reporma na titiyak sa lalo pang paglago ng ekonomiya ng bansa.
Nangangahulugan ang pag-asenso ng disenteng trabaho at pagpapababa sa kahirapan sa pamamagitan ng malinis na pamamahala at pagtutok sa sektor ng agrikultura at turismo.
Siguradong lalo pang palalakihin ni PNoy ang umento sa pondo para sa sosyal na serbisyo, partikular sa mga grupong labis na nangangailangan ng tulong ng pamahalaan.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)!
No comments:
Post a Comment