Balikan ang unang kabanata! | |
Nangyari na ang pinangangambahan ng gobyernong Aquino sa krisis na nangyayari ngayon sa Sabah dahil sa "kalkuladong" pagpunta doon ng mga tinatawag na "Royal Army" ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III.
'Ika nga ni Mang Kanor: Kalkulado ang pagpunta sa Sabah ng mga tagasuporta ni Kiram dahil planado na parang "field trip" ang biyahe nila doon at may misyon… "homecoming" ng isa sa mga kapatid ng Sultan na maninirahan doon, at muling paingayin ang pag-angkin nila sa Sabah.
Pero tila may ibang natutunugan ang Palasyo sa naging pagkilos na ito ng tropa ni Kiram dahil hindi nga naman biro ang biyahe nila mula sa Mindanao papuntang Sabah. May kamahalan ang barkong sinakyan ng grupo kung totoo na nasa mahigit 200-katao ang tumawid ng dagat, bukod pa ang kanilang baon na pagkain at armas.
Nagkataon din lang kaya na nangyari ang "field trip" ng tropa ni Sultan Kiram, ilang araw lang matapos mabuo ang mga miyembro ng konseho na babalangkas sa kasunduang pangkapayapaan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at gobyernong Aquino -- na kinastigo ni Kiram dahil hindi raw siya nakonsulta?
Ang sinasabi ni Mang Kanor na pinangangambahan ng pamahalaan, walang iba kundi ang pagsiklab ng karahasan sa bakbakan ng tropa ni Sultan Kiram at puwersa ng Malaysia.
At ngayon, nadadamay na nga ang mga sibilyan mga kapwa nating Pinoy na tinakasan ang kahirapan sa Mindanao at namuhay nang payapa sa Sabah pero ayun--biktima na rin ng karahasan.
Balikan natin ang mahigit dalawang (2) linggong standoff sa Sabado na wala pang nagaganap na bakbakan. Ilang ulit na hiniling ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino sa Malaysia na magkaroon ng extension sa kanilang pakiusap sa mga Kiram na pabalikin ang kanilang mga tagasuporta sa Mindanao.
Kasama sa apela ni PNoy ang pagtiyak na kapag nakabalik na ang tropa ni Kiram sa Mindanao ay sisimulan ang pag-uusap para sa pag-angkin ng Sabah.
Pero sa kabila ng ilang ulit na extension at lumitaw din na ilang "set" ng mga pinakiusap kay Sultan Kiram, nagmatigas siyang hindi aalis doon ang mga kanyang mga tagasuporta at handa raw mamatay.
Sa ganitong mga pahayag ni Sultan Kiram sa simula pa lang, tila dalawa lang ang kanyang kondisyon – "gulo o away?"
***
Ang posisyon ng pamahalaang Aquino ay para sa mahinahong paglutas sa krisis. Batid ng mga nag-iisip na tao na kapag nagkagulo doon, may mga buhay na malalagay sa alanganin, may mga sibilyang madadamay, maaapektuhan ang diplomatikong relasyon ng Pilipinas at Malaysia at ang pinakamalala, mapapasubo tayong mga Pinoy sa giyera sa Malaysia.
Marahil, ang mga taong may malaking problema lang sa gobyernong Aquino ang matutuwa kung papasok sa giyera ang Pilipinas dahil mawawala ang atensyon sa kanila ng gobyerno.
Pero kailangan bang makipaggiyera tayo kung puwede namang dalhin sa isang forum gaya ng United Nations o Organization of Islamic Conference ang usapin ng pag-angkin sa Sabah?
At higit sa lahat, tama bang makipag-giyera tayo dahil lang sa kagustuhan ng isang pamilya na manirahan sila sa Sabah dahil sa paninindigan nila na sa kanila iyon, at mistulang isinakay na lang ang buong bayan sa pagsasabing karapatan ng Pilipinas sa Sabah?
Dahil sa kaguluhan ngayon sa Sabah, marami sa ating mga inosenteng kapatid na Muslim ang napipilitang bumalik sa Mindanao upang makaiwas sa karahasan; kahit alam nila na ang naghihintay sa kanila sa Pilipinas ay paghihirap.
Kung naghahanap tayo ng sisisihin sa mga nangyayaring ito sa ating mga kababayan sa Mindanao, huwag nating kalimutang balikan ang mga naunang kabanata.
Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment