Parang suka! | |
REY MARFIL
Sa usapin ngayon ng Sabah sa Malaysia, mahihiya ang toyo at suka, pati na ang patis sa dami ng mga "nakikisawsaw". Maraming matatalino at nagkukunyaring "matalino" na sa halip na makatulong upang humupa ang krisis ay tila nakakagatong pa sa mainit nang usapin.
Kung tutuusin, simple lang naman ang problema sa Sabah, na naging kumplikado lang nang magmatigas si Sulu Sultan Jamalul Kiram III at ilan niyang kamag-anak na panatilihin sa Sabah ang kanilang mga tagasunod at huwag bumalik ng bansa.
Bago pa man maganap ang bakbakan ng tropa ng Malaysia at mga tagasunod ni Kiram sa Sabah, malinaw ang pakiusap ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino, na masisimulan lang ang pag-uusap tungkol sa paghahabol ng mga Kiram kung pababalikin nito sa bansa ang kanyang mga tagapanalig.
Sabihin man natin na parehong "de-III" sina Aquino at Kiram; at kahit pa maituturing na "pre-historic" ang titulo ni Kiram na "Sultan", ang malinaw na katotohanan si PNoy na ang lider ng bansa na siguro naman ay dapat pakinggan ng sinuman lalo na kung ito'y "nakikiusap".
Kung babalikan din ang mga naunang pangyayari bago ang bakbakan sa Sabah, ang mga Kiram ang laging nagmamatigas at paulit-ulit sa kanilang banta na handang mamatay sa Sabah ang kanyang mga tauhan. Ganito rin umano ang ibinibigay na posisyon ng mga Kiram nang pumagitna at makipagdayalogo sa kanila si ARMM OIC-Gov. Mujiv Hataman.
***
Napag-usapan ang isyu, nais ng mga Kiram na kausapin muna sila ng Pangulo (PNoy) bago nila aatasan ang kanilang mga tauhan na bumalik ng Pilipinas. Hindi naman siguro kulang sa bitamina sa pag-iisip si PNoy na bibigay sa kagustuhan ng mga Kiram. Aba'y parang sila na ang magdidikta kung ano ang dapat na maging posisyon ng pamahalaan sa isyu ng Sabah.
Kung tutuusin, ang mga Kiram lang naman ang dapat sisihin kung dumanak sa Sabah ang dugo ng ating mga kababayan, at malagay sa alanganin ang kaligtasan ng halos 800,000 kababayan natin na nandoon.
Una, sino ba ang nagpapunta sa Sabah ng mga tinatawag na Royal Army? Hindi ba ang mga Kiram.
Ikalawa: sino ang nagmatigas na handang mamatay sa Sabah? Hindi ba ang mga Kiram?
At sa kabila ng mga pakiusap ng pamahalaan na umuwi na sila sa Pilipinas, sa pangunguna ni PNoy, sino ba ang hindi nakinig sa pakiusap? Hindi ba ang mga Kiram?
At ngayong patuloy ang pagtugis ng tropa ng Malaysia sa mga tagasunod ni Kiram sa Sabah, marami ang mga matatalinong nais sumawsaw, at pumupuna sa gobyerno kung bakit hindi raw sinasaklolohan ng pamahalaan ang mga kababayan natin na nakikipaglaban, pati mga walang "career" sa ilang industriyang umaastang "suka" kung sumawsaw.
Dapat nating unawain na kahit hindi isinusuko ng pamahalaan ang karapatan ng Pilipinas sa Sabah, pero technically, sa hinaba-haba ng panahon ay itinuturing na teritoryo o nasa ilalim pa rin ito ng pamamahala ng Malaysia hanggang ngayon.
Kung magpapadala ng tropa ng sundalo si PNoy sa Sabah, magmimistula itong pananakop sa mata ng mundo. At hindi katulad ng nais mangyari marahil ng iba, hindi ipapasubo ni PNoy ang Pilipinas at ang mga Pilipino sa isang digmaan dahil lamang sa personal na interes ng isang pamilya kahit pa ipinapangalandakan nila na para sa bansa ang ginagawa nilang pag-angkin sa Sabah.
Ang ikinakadismaya ni Mang Kanor: Para bang nakalimutan na natin ang usapin tungkol sa "renta" ng Malaysia na nais ng mga Kiram na maitaas ang singil.
Ngunit maliban doon sa mga nagmamagaling, may iba pang sumasawsaw sa usapin ng Sabah na may ibang motibo. Motibo marahil para madiskaril ang peace talks ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front.
Isa pang duda ni Mang Kanor: Pwede ring panggulo lang para mawala ang atensyon ni PNoy sa pagtutok sa ekonomiya at pamamahala sa bansa o kaya naman ay may tao o grupong may mas malaking plano na binabalak? Abangan 'ika nga ang susunod na kabanata!
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, March 8, 2013
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment