Itinuwid ang PhilHealth! | |
REY MARFIL
Kabilang ang mga sakit sa puso at kanser sa mga pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pilipino ngayon. At kung dati ay itinuturing na sakit na pangmayaman ang dalawang nabanggit na karamdaman, hindi na ngayon.
Kasama sa mabilis na pagbabago sa takbo ng mundo ang pagbabago rin ng lifestyle ng mga Pinoy.
Nawawalan na tayo ng panahon na mag-ehersisyo, kabi-kabila ang mga tindahan ng mga pagkain tulad ng mga fast food, at madali na ring maengganyo sa mga masasamang bisyo gaya ng sigarilyo at alak.
Ang masaklap, nababawasan na rin ang hilig ng marami sa atin na kumain ng mga masustansyang gulay at prutas.
Pero kahit papaano, ang mga may kaya sa buhay ay nakakagawa ng paraan upang maipagamot o maipaopera ang mga mahal nila sa buhay na nagkakaroon ng kanser o sakit sa puso. Pero hindi biro ang gastusin sa delikado at matagal na gamutang ito.
Ang operasyon sa puso na may bara ang ugat ay tinatayang hindi bababa sa kalahating milyon ang gastos depende kung gaano kalala ang sitwasyon. Ganito rin ang tinatayang halaga na kakailanganin sa mga dadapuan ng kanser depende sa stage o lubha ng sakit ng pasyente.
Kaya kung mula sa mahirap na pamilya ang taong tatamaan ng ganitong sakit, tiyak na sasakit ang kanilang ulo sa paghahanap ng mga malalapitan para may mahagilap na perang pampagamot.
Ang mga kababayan nating dukha na may edad na at tinatamaan ng ganitong sakit, mas nanaisin na lang nilang hintayin ang kanilang oras na kunin sila ni Lord kaysa mabaon pa sa utang ang kanilang mga mahal sa buhay.
Katwiran nila, matanda na naman sila kaya hayaan na lamang dumating ang takda nilang panahon.
Ngunit ang mga may kaya sa buhay, may sapat na pera para gastusan ang operasyon ng kanilang mga mahal sa buhay kahit pa gaano na ito ka-senior citizen.
***
Napag-usapan ang kalusugan, malaking bagay ang programa ng PhilHealth na tinatawag na Type Z Benefits na ipinatupad ng administrasyon ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino.
Sasagutin ng PhilHealth at malaking bahagi, kundi man buong gastusin sa pagpapagamot (depende sa sitwasyon nito) ng mga sakit na kanser at maging sa sakit sa puso.
Nakapaloob na sa "Z Benefits" ang mga tinatawag na catastrophic illnesses gaya ng childhood acute lymphocytic leukemia, breast cancer (early stage o stage 0-111-a), gayundin ang prostate cancer.
At sa susunod ay isasama na rin sa programa ang sakit sa puso gaya ng coronary bypass o bara sa ugat sa puso, total correction of tetralogy of fallot o butas at maling posisyon ng malaking ugat sa puso at closure of ventricular defects.
Ang pagsagot ng PhilHealth sa malaking gastusin sa mga ganitong mga sakit ay nagagawa dahil nailalaan sa tamang paggagastusan ang pondo at hindi nagagamit sa ibang personal na interes o pampulitika.
Hindi maiwasang balikan ni Mang Kanor ang kaganapan sa nagdaang administrasyon kung saan kinasangkapan ang pondo ng PhilHealth para maimpluwensyahan ang resulta ng eleksyon ito'y naimbestigahan ng Senado at malinaw ang pagkakasulat sa mga peryodiko!
Idagdag pa ang mga repormang ipinatutupad ng pamahalaan para makahanap ng pagkukunan ng karagdagang pondo para sa kalusugan tulad ng sin tax o buwis sa sigarilyo at alak.
Bukod sa mga bagong programang ito ng PhilHealth, patuloy na pinagsisikapan ng pamahalaan na mapahusay ang serbisyo sa mga ospital sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pribadong sektor.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, March 18, 2013
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment