Friday, March 1, 2013

Damay ang PNP!



Damay ang PNP!
REY MARFIL


Nakikinabang na rin maging ang dating masamang imahe ng Philippine National Police (PNP) sa matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino matapos bumuti ang reputasyon nito ngayon.
Sa tulong na rin ng pamumuno ni Pangulong Aquino, tinatamasa ngayon ng PNP ang pinakamataas na marka sa usapin ng performance, alinsunod sa mga resulta ng isang pambansang survey.
Sa isinagawang pananaliksik ng Social Weather Station (SWS) noong nakaraang Christmas holidays, lu­mabas na anim sa 10 Pilipino ang kuntento sa trabaho ng PNP na nakakuha ng pinakamataas na 50% net satisfaction rating sa kasaysayan.
Maganda rin ang diskarte ni PNP chief Director General Alan Purisima na nagtagubilin sa kapulisan sa buong bansa na huwag paapekto sa isyu ng nakalipas na shooting incidents at nakawan lalung-lalo na ang Atimonan 13 at sa halip, tutukan na lamang ang kanilang mandato na magsilbi at protektahan ang publiko.
Siguradong nag-ugat ang magandang tiwala at suporta ng publiko sa PNP sa kahanga-hangang liderato ni Pangulong Aquino.
Asahan na natin ang maganda pang resulta sa trabaho ng ating kapulisan sa hinaharap dahil magsisilbi ang magandang balitang ito bilang inspirasyon, lakas at dahilan para lalo nilang gawin ang kanilang trabaho na imintina ang kaayusan, kapayapaan at katiwasayan sa buong bansa.
***
Napag-uusapan ang kapulisan, ginagawa ng admi­nistrasyong Aquino ang lahat ng makakaya nito para mapagkalooban ang mga saksi ng proteksyon sa gitna ng pagkamatay ng isang pangunahing testigo sa pamamaslang sa Palawan environmentalist at mamamahayag na si Gerry Ortega.
Nananatili ang paninindigan ng pamahalaan na bigyan ng proteksyon ang mga saksi para maresolba ang mga krimeng nangyayari sa bansa katulad ng kaso ni Ortega.
Kailangan lamang mailapit ang pangangailangan sa proteksyon ng mga testigo sa kalihim ng Department of Justice (DOJ) upang maiparating ang mensahe.
Nakapanlulumong balita talaga ang pagkamatay ni Dennis Aranas, sinasabing nagsilbing lookout sa pagpatay kay Ortega, na nakitang walang buhay ng kanyang mga kasamahang bilanggo sa loob ng Quezon provincial jail sa Lucena City.
Ngunit, ginagawa naman ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang pawiin ang pangamba ng mga tagasuporta ng pamilya Ortega sa pagkamatay ng pangunahing saksi.
Sa pahayag ng mga opsiyal ng bilangguan sa Lucena City, nagpakamatay umano si Aranas matapos hindi kayanin ang bigat ng pagiging isang bilanggo.
Bahagi ng ginagawang pagtulong ng pamahalaan ang pag-atas sa kapulisan na magkaroon ng isang malaliman at walang kinikilingang imbestigasyon upang alamin kung mayroong foul play na naganap.
Lumitaw sa imbestigasyon noon ng kapulisan na bahagi si Aranas ng tatlong kataong nasa likod ng pamamaslang kay Ortega noong Enero 24, 2010.
Pinaghahanap naman ng batas ngayon si dating Palawan Gov. Joel Reyes dahil umano sa pagkakasangkot nito sa naganap na pamamaslang kay Ortega.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: