Bakit ngayon lang? | |
REY MARFIL
Lingid marahil sa kaalaman ng marami, malaki ang papel na ginagampanan ng Malaysia sa nagaganap na usapang pangkapayapaan ng pamahalaan ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Ang katuparan ng negosasyong ito ay inaasahang makatutulong nang malaki, kundi man lubos na magdudulot ng katahimikan sa Mindanao.
Pero dahil nasa Pilipinas tayo, natural na mayroong hindi sasang-ayon sa ganitong hangarin. Mayroong mga ilan na maisasangtabi na hindi masisiyahan at gagawa malamang ng paraan upang idiskaril ang biyahe ng kapayapaan sa tinatahak nitong tuwid na daan.
Kaya naman mayroong ilang politikal na tagamasid ang hindi maiwasang magduda sa tiyempo ng pagpunta sa Sabah, Malaysia ng mga sinasabing tagasunod ng Sultan ng Sulu na umaangkin sa teritoryo. "Bakit ngayon lang?"
Dekada na ang inabot ng paghahabol ng Sultan ng Sulu sa Sabah, ilang administrasyon na ang dumaan, pero bakit nga ba ngayon lang nila naisipan na magtungo doon sa maramihang bilang at armado pa ang iba? Tila talagang nais nilang makuha ang atensiyon ng Malaysia at Pilipinas, taliwas sa kanilang paliwanag na nais nilang manirahan doon nang tahimik.
Nangyari ang pagpunta sa Sabah ng tropa ng Sultan halos ilang araw lang ang nakalilipas matapos namang pangalanan ng MalacaƱang ang mga taong uupo sa Bangsamoro Transition Panel ang lupon na bubuo ng mahalagang mga detalye sa itatatag na transition government na mamamahala sa mga teritoryo sa Mindanao na mapapaloob sa usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at MILF.
Nais ni Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na matapos ang kasunduan sa MILF bago matapos ang kanyang termino sa 2016 o tatlong taon na lamang mula ngayon. Ang mabubuong transition government ang papalit sa kasalukuyang liderato ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
Ang mga lalawigan at lungsod na nakapaloob sa autonomous region ang mapapasailalim sa transition government na tinatalakay ngayon ng pamahalaan at MILF iyan ay sa tulong ng Malaysia.
Pero bago natin makalimutan, sa unang mga araw ng standoff sa Sabah, naglabas ng hinanakit ang Sultan ng Sulu na hindi sila kasama sa kinonsulta sa binubuong transition panel. Bagay na pinabulaanan naman ng kinatawan ng pamahalaan na namamahala sa usapang pangkapayapaan.
***
Napag-usapan ang "timing", ang Sulu ay kabilang sa mga lalawigan na nakapaloob sa ARMM, na mapapasama sa mabubuong liderato sa ilalim ng binubuong transition government. Sayang!
Kung mabibigyan lang sana ng pagkakataon ang pamahalaan at MILF sa binubuong transition panel, maaari sanang matalakay dito ang paghahabol ng Sultan sa Sabah.
Kapag nagkaroon na ng identity ang transition government bilang kapalit ng ARMM, maaaring sila na ang manguna at mamahala para sa panig ng pamahalaan at ng Sultan upang ipaglaban na maibalik sa Pilipinas ang Sabah at maisama sa teritoryo ng transition government.
Malinaw naman ang deklarasyon ng pamahalaang Aquino na hindi isinusuko ng pamahalaan ang pag-angkin sa Sabah, bagay na hindi yata nauunawaan ng mga taong sadyang ayaw umunawa at nagpapakagat sa ilang "anay" na sumisira sa imahe ng bansa.
Ngunit sa kasalukuyang kaguluhan sa Sabah, sa palagay kaya natin ay basta na lamang magiging malambot ang Malaysia sa paghawak sa Sabah? Papaano kung mainis din ang Malaysia at bumitiw na rin bilang tagapamagitan sa pamahalaan at MILF? Hahayaan na lang ba nating madiskaril ang biyahe ng kapayapaan?
Malaki ang epektong idinulot ng Sabah standoff, hindi lang sa usaping pangkapayapaan, kundi maging sa kapakanan ng iba pang mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho doon na maaaring maging target ngayon ng crackdown.
Bukod pa sa lamat na maaaring idulot nito sa relasyon ng Pilipinas at Malaysia. Lahat 'yan ay dahil sa sinasabing pagmamalasakit ng ilan na mabawi ang Sabah, pero iyon nga kaya ang kanilang dahilan?
Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Wednesday, March 6, 2013
Bakit ngayon lang?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment