Nakakabilib
REY MARFIL
Inaasahan ang nakakabilib na 6.6% na paglago ng gross domestic product (GDP) o ekonomiya ng bansa noong 2012 na kinatampukan ng 6.8% pagtaas ng GDP mula sa tinayang 6.4% sa huling tatlong buwan ng nakalipas na taon dahil sa malinis at matuwid na pamamahala at matalinong paggugol ng pampublikong pondo ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino.
Kahanga-hanga ang naging pahayag ni National Statistical Coordination Board secretary-general Jose Albert na mabilis na lumago ang ekonomiya ng Pilipinas noong 2012 na lalong nagpatibay sa estado natin bilang isa sa may pinakamahusay na ekonomiya sa buong Asya.
Mataas na mataas rin ang nasabing mga datos kumpara sa opisyal na target na 5% hanggang 6% paglago ng GDP noong 2012 at 3.9% na pagtaas sa ekonomiya ng bansa noong 2011.
Nag-ugat ang magandang takbo ng ekonomiya sa malakas na mga sektor ng serbisyo, negosyo, real estate, mataas na remittances ng tinatayang 10 milyong overseas Filipino workers at manufacturing.
Itinulak paitaas ng aktibong partisipasyon ng pribadong sektor at publiko ang ekonomiya ng bansa.
Siyempre, dahil ito sa patuloy na tumataas na tiwala ng sektor ng negosyo sa matuwid na daang kampanya ni PNoy na nakakatulong ng malaki sa buhay ng maraming Pilipino.
Asahan nating magpapatuloy ngayong taon ang inspiradong administrasyong Aquino. Determinado si PNoy na masustina ang lalong paglago ng ekonomiya ng bansa at makamit pa ang mas malaking progreso na narating noong nakalipas na taon, as in diretsong makikinabang ang bawat Pilipino sa mga benepisyong dulot ng magandang pamamahala ni PNoy na magbubunga ng positibong bagay sa ekonomiya ng bansa.
***
Napag-uusapan ang "good news" nakakatuwang marinig ang masidhing determinasyon ni PNoy na iwanan ang pamahalaan sa 2016 na mayroong makatotohanang reporma sa burukrasya na malayung-malayo sa hindi pinagkakatiwalaang sistema nang manungkulan siya sa kapangyarihan noong 2010.
Bagama't hindi ipinangako ni PNoy ang 100% pagkatigil ng katiwalian sa bansa dahil lubhang maliit ang kanyang anim na taong panunungkulan, asahan na nating magtatagumpay siya ng malaking-malaki sa kampanya laban sa katiwalian.
Nais ng Pangulo na gawin ang pinakamagaling na paraan na kanyang magagawa sa pagsugpo ng katiwalian sa kanyang pagbaba sa 2016 para matiyak na napakaganda ng posisyon ng bansa kumpara noong 2010.
Dapat magsilbing magandang puhunan ang pagsusumikap ni PNoy sa mga naghahangad na maging mga lider ng bansa sa hinaharap para lalong bumuti ang Pilipinas.
Sa kanyang talumpati nitong nakalipas na Martes sa 5th Global Organization of Parliamentarians Against Corruption (GOPAC), ipinakita ng Punong Ehekutibo ang malinis na pamamahala na pangunahing sandata sa pagsugpo ng katiwalian kaya naman patuloy na sumisikad at hinahangaan sa buong mundo ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Estratehiko ang atake ni PNoy sa katiwalian at laging pangmatagalan ang diskarte para sa kapakinabangan ng maraming Pilipino.
Isa sa pangunahing tagumpay ng kontra-katiwalian na kampanya ni PNoy ang pagpapatalsik ng Senado kay dating Chief Justice Renato Corona dahil sa alegasyon ng katiwalian.
Kabilang rin sa magandang nagawa ng pamahalaan ang pagtatalaga ng bagong Ombudsman at pagkakahirang sa mga indibidwal na mayroong kahanga-hangang reputasyon sa pangunahing mga posisyon sa gobyerno.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment