Monday, October 1, 2012

Kauna-unahan!



Kauna-unahan!
REY MARFIL




May katwiran si Pangulong Noynoy "PNoy" Aquino na matuwa at purihin si Public Works Secretary Rogelio Singson sa nakaraang inauguration o pagpapasinaya sa bagong gawang underpass sa Araneta-Quezon Avenue na tiyak na magpapaluwag sa daloy ng trapiko sa lugar.
Matapos nga ang mahigit isang taon na pagsasakripisyo ng mga motorista na dumadaan sa panulukan ng Araneta Ave. at Quezon Avenue, ngayo'y mararanasan na nila ang ginhawa sa pagtawid sa panulukan na ito dahil magagamit na ang underpass na may habang 400 metro.
Pero hindi lang sa pagkakatapos ng underpass dapat matuwa ang buong mamamayan, at hindi lang ang mga motorista na makikinabang dito. Kasi naman, isiniwalat ni PNoy na dahil mas maagang natapos ang proyekto at redesign nito, mahigit P200 milyon ang natipid ng gobyerno.
Sa orihinal na kwentada, inaasahan na matatapos ang proyekto sa loob ng 18 buwan na may kabuuang pondo na P694.15 milyon. Pero, natapos ito sa loob lamang ng 15 buwan at ang gastos ay umabot lamang sa P430 milyon ito'y malayo sa sistemang nakagisnan ng publiko at lalong milya-milya ang pagkakaiba sa nakaraang 9-taon.
Kaya tatlong (3) buwan ang nabawas sa pagdurusa ng mga motorista, malaking katipiran sa nagagastos na gasolina o diesel kapag nababad sa matagal na trapik sa lugar. Makikita sa hitsura ng mga motoristang na-interview ang sobrang kagalakan dahil sa guminhawa ang paglalakbay ng mga ito.
Tamang-tama ito ngayong panahon ng kapaskuhan dahil tiyak na mas marami ang dadaan dito para mamili sa mga mall sa Quezon City o kaya nama'y sa Divisoria sa Maynila.
***
Napag-usapan ang proyekto, kung tutuusin, hindi ito ang unang pagkakataon na nagawang mapabilis at makatipid ang pamahalaan sa mga proyekto. Sa nakaraang S­ONA ni PNoy, pinuri rin niya ang Energy Department dahil sa ma­laking katipiran na nagawa rin sa proyektong barangay electrification program.
Ang ganitong mga magandang balita ay pagpapakita ng malaking kaibahan sa nagdaang administrasyon na ina­akusahan ng katiwalian dahil sa mga umano'y overpricing sa mga proyekto.
Ang mahirap pa nito, baka nga overpriced na ang proyekto ay hindi pa natapos o kaya naman ay substandard. Tulad na lang ng Diosdado Macapagal Blvd. na ginawa noong 2002.
Dahil umabot sa P1.1 bilyon ang ginastos sa 5.1 kilometrong kalsada, tinagurian na ito ngayon na pinakamahal na kalsada, hindi lang marahil sa Pilipinas, baka ma­ging sa buong mundo.
Bukod pa diyan, pinapaimbestigahan din ni Sen. Serge Osmeña ang President Bridge Program ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil din sa alegasyon ng katiwalian.
Mga katiwalian katulad ng umano'y overpricing o kaya naman ay sadyang pagsasayang lang ng pera ng bayan dahil sa pagtatayo ng mga tulay na hindi na pala talaga kailangan.
Ang Araneta-Quezon Avenue underpass na nagawa sa ilalim ng administrasyon ni PNoy ay patunay ng pagiging seryoso at tapat ng kasalukuyang administrasyon na magamit sa tama ang pondo ng bayan.
At dahil pera ito ng bayan, nais matiyak ni PNoy na makakakuha ng pinakamagandang presyo ang mamamayan sa isang matinong proyekto na makakamura ang gobyerno.
Kung mas marami ka namang matitipid, mas marami ang maiipong pondo na puwede pang gamitin sa ibang makabuluhang proyekto.

Laging tandaan: "Bata n'yo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)


No comments: