Wednesday, October 17, 2012

Pagkakataon!



Pagkakataon!
REY MARFIL


Isang makasaysayang tagpo ang naganap sa MalacaƱang nitong Lunes nang lagdaan sa harapan nina Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino at Chairman Murad Ebrahim Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang framework agreement na inaasahang magbibigay ng ganap na kapayapaan sa Mindanao.
Maraming kapatid nating Muslim ang naging emosyunal nang lagdaan ang kasunduan na magiging simula sa pagbalangkas ng mga sistema at istruktura sa pagbuo ng Bangsamoro Entity na papalit sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Hindi naman talaga natin maaalis sa ating mga kapatid na Muslim na maging emosyunal at mapaluha lalo na dun sa mga nakatira sa lugar sa Mindanao na laging nagiging sentro ng bakbakan at naiipit sa palitan ng putok ng mga sundalo at MILF fighter.
Idagdag pa natin ang naulilang mga pamilya ng mga mandirigmang MILF at sundalo ng gobyerno na nagbuwis ng kanilang buhay dahil ipinaglaban nila ang kanilang prinsipyo. Kung noon pa sana ito nagawa ng mga nakaraang lider, sana'y maraming buhay at ari-arian ang nailigtas.
Kaya naman ang pagsisikap na ito ni PNoy na hanapan ng kapayapaan ang Mindanao ay umani ng papuri mula sa marami nating kababayan - Muslim man o Kristiyano, maging sa international community.
***
Napag-usapan ang suporta, maging si Malaysian Prime Minister Najib Razak na kasamang sumaksi sa paglagda sa kasunduan, ito'y nagpahayag ng pagbati sa pamahalaan at MILF.
Kung tutuusin, makikinabang din ang Malaysia sa kapayapaan sa Mindanao dahil marami rin naman sa mga kababayan na tumatakas sa giyera ng mga sundalo at MILF, ito'y nagpuntahan sa Malaysia gaya sa Sabah.
Batid naman nina PNoy at Murad na ang pinirma­hang framework agreement ay panimula pa lamang sa sabay na paglalakbay ng pamahalaan at MILF tungo sa hinahangad nilang kapayapaan sa Mindanao.
minado sila na kailangan pa rin ang lubos na pagkakaisa at kooperasyon sa magiging laman ng sistema at istruktura sa pagbuo ng Bangsamoro entity.
Isa na rito ay ang pagpapanatili sa mga miyembro ng MILF sa loob ng kasunduan at hindi maulit ang nangyari noon sa pakikipagnegosasyon ng pamahalaan sa Moro National Liberation Front (MNLF). 
Matapos maisara ang kasunduan sa MNLF na naging daan ng pagkakatatag ng ARMM, marami sa miyembro ng MNLF na hindi sang-ayon sa kasunduan ang tumiwalag at sumama sa MILF.
Aminin man o hindi, masasabing hindi lubos ang na­ging tagumpay sa pakikipagkasundo sa MNLF dahil sa kabila ng pagkakabuo ng ARMM, ito'y nanatiling armadong pakikibaka ng maraming Muslim laban sa pamahalaan sa pangunguna nga ng MILF.
At ngayon nakaapak sa unang baytang ng kapayapaan ang pamahalaan, kasama ang MILF, umaasa ang ating mga kababayan na hindi magiging sagabal dito ang MNLF kahit pa baguhin ang ARMM at palitan ng Bangsamoro entity.
Kung tunay na kapayapaan at pagsusulong sa karapatan ng mga kapatid nating Muslim sa Mindanao ang hangad ng mga armadong grupo, walang dahilan para hindi nila samahan si PNoy sa paglalakbay tungo sa hinahangad na katahimikan sa rehiyon.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: