Walang personalan! | |
REY MARFIL
Tama ang paghamon ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sa mga Pilipino na manatili sa paninindigang makamit ang mas mataas na antas ng demokrasya upang hindi na maulit ang pasakit na dulot ng batas militar.
Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng autobiography ni Senate President Juan Ponce Enrile na "Juan Ponce Enrile: A Memoir" na isinagawa sa The Peninsula sa Makati City, sinabi ng Punong Ehekutibo na bibigyan ng libro ng kapangyarihan ang darating na mga henerasyon na maiwasan ang mga pagkakamali ng nakalipas.
Pinasalamatan ni PNoy ang 88-anyos na si Enrile na dating Defense Minister sa panahon ng diktadurya sa pagbabahagi ng kanyang kaalaman, karanasan, ideya at pananaw na siguradong makakatulong sa pagpapayaman ng isipan ng mga Pilipino.
Nasaksihan natin ang umiging demokrasya sa bansa na nagresulta sa pagbabago at nagsisilbi ngayon sa interes ng mga tao.
Maganda rin ang direktang pag-amin ni PNoy na maraming bagay na magiging magkasalungat sila ni Enrile, ngunit ipinagpapalagay naman niyang maaari rin silang magtrabahong dalawa para sa interes at kagalingan ng bansa.
Bagama't nabiktima ang kanyang pamilya ng Batas Militar na nagresulta sa pamamaslang sa kanyang amang si dating Sen. Benigno 'Ninoy' Aquino Jr., ipinakita ni PNoy sa pagdalo sa paglulunsad ng libro ni Enrile ang isa sa pinakamataas na porma ng isang matured at kahanga-hangang lider ng bansa na patunay rin ng buhay na buhay na demokrasya.
***
Napag-usapan ang good news, pinatunayan lamang ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing komonti na lamang ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na ikinokonsidera ang kanilang mga sarili bilang mahirap na talagang tumutugon sa pangangailangan ng publiko ang mga programa ng pamahalaan.
Base sa resulta ng Third Quarter 2012 SWS Survey, lumabas na 47% na lamang ng mga tinanong ang ikinokonsidera ang kanilang pamilya na mahirap.
Kinakatawan ng 47% ang tinatayang 9.5 milyong pamilya o mas mababa ng apat na porsiyento kumpara sa naitalang 51% noong nakalipas na survey nitong Mayo 2012.
Pinakahuling bumaba sa 50% ang self-rated poverty noong nakalipas na Disyembre kung saan umabot na lamang sa 45%.
Malinaw na tumutugon at epektibo ang mga programa ng pamahalaang Aquino sa paghahanap ng solusyon sa kahirapan sa bansa.
Asahan na natin na magtutuluy-tuloy ang magandang resulta sa ipatutupad pang makatao at matinong programa ng administrasyong Aquino na pakikinabangan ng mga Pilipino sa hinaharap.
Laging tandaan: "Bata n'yo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, October 8, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment