Diretso sa kapayapaan! | |
Isang magandang balita ang inihatid ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino tungkol sa nabuong “Framework of Agreement” ng pamahalaan at rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na maaaring maging daan tungo sa kapayapaan sa Mindanao.
Ang balangkas ng kasunduan ay panimula para sa pagbuo ng Bangsamoro Region na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). At kung magtutuluy-tuloy ang paghimay sa usaping ito, maaaring ganap na maisakatuparan ang kasunduan bago matapos ang termino ni PNoy sa 2016.
Hindi biro ang pinsala na idinudulot ng bakbakan ng pamahalaan at MILF sa buhay ng mga tao at ari-arian. Sa halos apat na dekadang labanan, tinatayang 150,000 buhay na ang nasawi mula sa magkabilang panig.
Bukod sa mga nasawing buhay, libu-libong pamilya rin ang naaapektuhan ng bakbakan ng mga sundalo at rebelde dahil napipilitan silang lumikas upang hindi madamay.
Idagdag pa riyan ang gastusin na inilalaan ng gobyerno sa pagbili ng mga sandata, bala at iba pang gastusin para tustusan ang pangangailangan ng mga sundalo para tugisin ang mga rebelde mga rebelde na nakikipaglaban para sa kanilang prinsipyo.
Isipin na lamang natin kung magkano ang bilyun-bilyong pondo na naitapon ng mga nagdaang gobyerno sa pakikipaglaban sa mga debeldeng MILF pondong nagamit sana sa pagpapatayo ng maraming paaralan, tulay, irigasyon at iba pang proyekto na makakapagpahusay sa kabuhayan ng mga tao at hindi perwisyo.
Ngayon pa lang, mayroon nang ilan ang nagpahayag ng agam-agam sa bubuuing bagong political entity sa Mindanao mga pangamba na natural lang naman pero huwag naman sanang mauwi sa pagharang sa inaasahan na kapayapaan.
***
Napag-usapan ang mga agam-agam sa peace talks, bigyan sana natin ng pagkakataon na makita ang magiging resulta ng isinasagawang negosasyon na maging ang liderato ng MILF ay nagpahayag ng buong pag-asa.
Kapuri-puri rin ang dedikasyon ni PNoy na tuparin ang kanyang pangako na hanapan ng lunas ang matagal nang digmaan sa Mindanao. Isama na rin natin sa papuri ang mga taong namahala sa negosasyon sa MILF sa pangunguna nina Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles at government lead negotiators na Marvic Leonen.
Hindi katulad ng kontrobersiyal na pakikipagnegosasyon na isinagawa ng gobyerno ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa MILF na binatikos na kulang sa negosasyon, ang kasalukuyang negosasyon na isinagawa ng pamahalaang Aquino ay nakalantad at maaaring mabasa sa website ng Malacañang (http://www.gov.ph).
Matatandaan na ang nilutang kasunduan ng administrasyong Arroyo ay ibinasura ng Korte Suprema na ginamit na katwiran ng ilang miyembro ng MILF para magwala at maghasik ng labanan sa ilang lugar sa Mindanao na nagresulta sa pagkamatay ng maraming tao.
Kaya naman dapat suportahan ang bagong pag-asa ng kapayapaan sa Mindanao na isinusulong ni Aquino na makabubuti hindi lang sa mga Muslim kundi pati na rin sa mga Kristiyano sa rehiyon.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment