Wag 'utak-talangka' | |
Makatwirang suportahan at purihin ang maigting na pagsusumikap ng pamahalaan na maselyuhan ang usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil siguradong hindi lamang makikinabang ang maraming mga komunidad sa Mindanao kundi maging ang sektor ng negosyo.
Nakakabilib ang sensiridad ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na makamit ang wagas at mailap na kapayapaan na inaasam ng ating mga kababayang naiipit ng labanan sa Mindanao, as in nais ng pamahalaan na maiangat ang kabuhayan ng ating mga kabayayan sa Mindanao sa lalong madaling panahon.
Ito ang nagtutulak kay PNoy upang agresibong maisulong ang iba't ibang magagandang mga programa katulad ng mga proyektong imprastraktura at karagdagang pondo sa sektor ng edukasyon. Malinaw na ang pagpapalakas sa kakayahan at kapangyarihan ng mga Pilipino ang nagsisilbing pundasyon ng mga reporma.
Sa ganitong bagay kumukuha ng inspirasyon si PNoy para isulong ang framework agreement sa MILF na tatapos sa armadong pakikibaka ng rebeldeng grupo kaya't tigilan ng mga "nag-uutak talangka" ang pagkontra sa kasunduan kung sila mismo'y walang nagawa sa panahong binigyan ng pagkakataong isaayos ang Mindanao.
Sa pagkakaroon ng kapayapaan, inaasahan nating mailalatag ang mga reporma at pagbabago sa Mindanao dahil isusulong ng framework agreement ang pagkakaisa ng mga Filipino tungo sa pagkakaroon ng hanapbuhay, pabahay, edukasyon at maraming iba pa.
Nilagdaan ng pamahalaan at MILF ang framework agreement para sa kapayapaan ng Mindanao. Dumalo sina Malaysian Prime Minister Datuk Seri Najib Tun Razak, MILF Chairman Al Hadj Murad, MILF contingent at iba pang katuwang na mga grupo sa makasaysayang paglagda ng isinusulong na usapang-pangkapayapaan.
***
Napag-usapan ang Mindanao, magandang balita ang patuloy na pangungumbinse ni PNoy sa business process outsourcing (BPO) na mga kumpanya na mamuhunan sa Mindanao lalung-lalo na ngayong malapit nang maisara ang usapang-pangkapayapaan ng pamahalaan at MILF.
Kinikilala rin ni PNoy ang malaking kontribusyon ng sektor sa pagsulong ng bansa sa pamamagitan ng trabahong naibibigay sa mga Pilipino.
Namumuhunan kasi ang karamihan ng mga kumpanyang BPO sa tinatawag na Next Wave Cities, kabilang dito ang Sta. Rosa sa Laguna, Lipa sa Batangas, at Dumaguete.
Matindi at malawak ang positibong epekto ng BPO dahil nagkakaroon ng hanapbuhay ang mga Pilipino sa buong bansa para sa mas maayos na direksiyon ng kanilang mga buhay.
Umabot sa $11 bilyon ang industriya ng BPO noong 2011 at nakalikha ng 113,000 na bagong mga trabaho ito'y naging daan upang tanghalin ang Pilipinas na nangungunang contact center industry sa buong mundo at malampasan ang India noong 2010.
Inaasahan naman ni PNoy na aabot sa $25 bilyon ang BPO industry sa 2016 upang maging 1.3 milyong Filipino ang magkakaroon ng hanapbuhay sa sektor.
Mapalad tayo sa pagkakaroon ng isang lider na katulad ni PNoy na nagawang maibalik sa pamahalaan ng kanyang malinis at matuwid na pamumuno ang tiwala ng publiko at mga negosyante.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment