Friday, October 5, 2012

'Wag masamain!




'Wag masamain!
REY MARFIL



Sa halip na ikasama ng loob, dapat tingnan sa positibong aspeto ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at iba pang kapwa akusado niya ang plunder case na kinakaharap nila dahil sa umano'y paglustay sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Matapos pagtibayin ng Office of the Ombudsman ang nauna nilang desisyon na kasuhan ng plunder sina Mrs. Arroyo at ilan nitong dating opisyal, asahan ang gagawing paglilitis sa kanila ng Sandiganbayan.
Ika ni Mang Gusting: hindi biro ang P366 milyon na pondo mula sa intelligence fund ng PCSO mula 2008 hanggang 2010 na umano'y ginamit sa "personal gain" ng mga akusado. At dahil walang piyansa sa mga kinakasuhan ng plunder kung mabigat ang ebidensiya, posibleng maibalik sa "kulungan" o hospital arrest ang da­ting pangulo.
Sa ngayon, pansamantalang nakalabas ng kanyang hospital arrest sa Veteran's Memorial Medical Center si Arroyo dahil pinayagan siya ng mababang korte na makapagpiyansa sa kasong electoral sabotage.
Ang iba pang kinakaharap na kaso tulad ng plunder na ito ang iniisip ng ilang tagamasid na kaya nagpupursige ang mga kaalyado ni Mrs. Arroyo na makapagpagamot ito sa ibang bansa.
Hinala pa ni Mang Gusting, baka gamiting dahilan ni Mrs. Arroyo ang pagpapagamot sa ibang bansa para matakasan ang kanyang mga kaso. At sa pangyayaring ito sa desisyon ng Ombudsman, hindi maaalis at asahan na aalma naman ang kampo ni Arroyo sa kasong ito ng plunder. 
***
Napag-usapan ang kaso, hindi rin inaalis ng mga kurimaw ang senaryong akusahan nila ang administrasyong Aquino ng panggigipit o kaya nama'y paghihiganti, ka­tulad ng favorite line ng mga inarkilang "media barker", sampu ng "tropapits" .
Pero sa halip na masamain ang desisyon ng Ombudsman, dapat isipin ng kampo ni Mrs. Arroyo na ito ang pagkakataon na malinis ang kanilang pangalan, at patunayan na walang katotohanan ang ibinibintang sa kanila.
Nauna na kasing hiniling ng kampo ni Mrs. Arroyo na ibasura ang reklamo tungkol sa paggamit ng PCSO fund dahil wala raw itong basehan, as in wala raw magpapatunay na pinakinabangan nila ang naturang milyun-milyong pondo.
Kung totoo at naniniwala pa rin sila sa depensa na walang kasalanan si Mrs. Arroyo at ilan pang inaakusahang nagkamal ng pondo ito ang pagkakataon para linisin nila ang pangalan sa tamang lugar -- ang Sandiganbayan.
Ang pagkakalaya ni Mrs. Arroyo sa kasong electora­l sabotage ay patunay na hindi iniimpluwensiyahan ni Pa­ngulong Noynoy 'PNoy' Aquino ang korte pagdating sa paggulong ng hustisya kaya't malaking kasinungalingan ang mga naunang ibinibintang.
Kung walang kasalanan, dapat harapin ng grupo ni Mrs. Arroyo ang kaso at tanggapin ng magkabilang kampo, anumang magiging desisyon ng korte, makalaboso man o maabsuwelto.

Laging tandaan: "Bata mo 'ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: