Dalawang santo sa dalawang Aquino! | |
Pinagpala tayong mga Pilipino dahil sa loob lamang ng 25 taon, biruin ninyong nagkaroon tayo ng dalawang santo sa katauhan nina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod.
Si San Lorenzo ay idineklarang santo sa Vatican ni Pope John Paul II sa proseso ng kanonisasyon noong October 28, 1987, samantalang nito lamang October 21, 2012 ginawa ang kanonisasyon ni San Pedro ni Pope Benedict XVI.
Ngunit maliban sa parehong naganap sa buwan ng Oktubre ang pagdedeklarang santo sa dalawa nating kababayan, nagkataon din na naganap ito sa ilalim ng administrasyon ng dalawang Aquino kina dating Pangulong Corazon 'Tita Cory' Aquino noong 1987 at ngayo'y kay Pangulong Benigno 'PNoy' Aquino III.
Gaya ni PNoy, hindi rin nakadalo si Tita Cory sa kanonisasyon ni San Lorenzo dahil nang mga panahon na iyon ay lubhang abala ang unang babaeng Pangulo ng bansa sa pagharap sa dami ng problema ng bayan katulad ng rebelyon.
Sa halip, ipinadala ni Tita Cory sa Vatican na magsisilbing kinatawan niya sina noo'y dating Department of Education Secretary Lourdes Quisumbing at dating Department of Finance Sec. Vicente Jaime.
Sa kanonisasyon ni San Pedro, nataon na may official visit si PNoy sa New Zealand at Australia.
Sa kanonisasyon ni San Pedro, nataon na may official visit si PNoy sa New Zealand at Australia.
Kaya naman ang ipinadala niyang kinatawan sa Vatican sina Vice President Jejomar Binay at Department of Energy Secretary Rene Almendras.
At nagkataon din sa panahon ni Tita Cory umusbong ang pangalan ni Jaime Cardinal Sin, animo'y sinadya ng tadhana ang pagkakahirang ni Bishop Antonio Tagle bilang bagong Cardinal sa panahon ni PNoy.
***
Napag-usapan ang dalawang santo, hindi man kapwa nakadalo sa kanonisasyon ang mag-inang Aquino, hindi naman ito nangangahulugan na hindi mahalaga para sa kanila ang naturang mahalagang pagtitipon ng mga Kristiyano.
Si PNoy ay nagpalabas ng kanyang pahayag ng pagbati at pagbubunyi sa pagkakaroon natin ng ikalawang santo na si San Pedro, at ganoon din naman ang ginawa noon ni Cory nang hiranging santo si San Lorenzo.
Kung tutuusin, hindi naman ang lider ng mga bansa ang bida sa panahon ng kanonisasyon kundi ang mga banal na tao mula sa iba't ibang panig ng mundo na kikilalanin ang kanilang kadakilaan para sila itanghal na santo ng Vatican.
Sadya ngang mapalad ang mga Pilipino na magkaroon ng dalawang pangulong Aquino na tapat at malinis ang ginagawang pamamahala sa bansa, kaya siguro natataon sa kanila ang pagkakadeklara ng mga Pilipinong Santo ito'y nangyari rin sa loob ng 25-taon!
Sana lang ay magsilbing magandang ehemplo at magbigay ng pag-asa sa ating lahat ang matapat na pamamahala ng mag-inang Aquino at ang kabanalan nina San Lorenzo at San Pedro para sa lubos na ikauunlad ng ating bansa at ng ating mga kababayan.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment