Wednesday, October 24, 2012

Positibo!




                                             Positibo!

                                                                   


Kahanga-hanga ang patuloy na paninindigan ni Pa­ngulong Noynoy “PNoy” Aquino sa pagtiyak na mananaig ang karapatan ng mga konsiyumer na nakapaloob sa Republic Act (RA) No. 7394 o Consumer Act of the Philippines.
Muling tiniyak ng Pangulo ang pagsusulong ng karapatan ng mga konsiyumer sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Consumer Welfare Month sa SMX Convention Center sa Pasay City.
Sa ngayon, pinamumunuan ni Trade Secretary Gre­gory Domingo at iba pang kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan ang pagdepensa sa karapatan ng mga mamimili para maging parehas, rasonable ang presyo at manatiling mataas ang kalidad ng mga produkto.
Maigting ang pagsusumikap ng administrasyong Aquino sa pagpapakalat ng kaalaman at impormasyon sa mga isyung nakakaapekto sa karapatan ng mga mamimili.
Dahil sa maigting na programa ng pamahalaan, mabilis at epektibong nabigyan ng solusyon ng Consumer Welfare Desks (CWD) ang mga reklamo ng mga konsiyumer.
Mismong si PNoy ang nagsabing 70,941 ng kabuuang 81,962 o 95% ng mga reklamo ang agarang nahanapan ng solusyon sa loob lamang ng isang linggo.
Umaabot ngayon sa mahigit 3,000 CWD ang nakakalat sa iba’t ibang mga palengke, malls at supermarkets sa buong bansa para tulungan ang mga mamimili sa kanilang problema.
***
Napag-usapan ang good news, hindi imposible na makamit pa ng liderato ni PNoy ang mas progresibong ekonomiya ng bansa dahil sa patuloy na implementasyon ng mga reporma.
Resulta ang patuloy na lumalaking ekonomiya ng bansa ng mga ipinatupad na pagbabago katulad ng masinop na paggugol ng pampublikong pondo o hindi pag-aaksaya ng salapi.
Nakakabilib naman talaga ang paglaki ng ekonomiya ng bansa ngayong taon na malayo sa mabagal na pag-asenso ng ekonomiya ng ibang mga nasyon sa buong mundo.
Nalampasan pa nga ang inaasahang paglago ng Gross Domestic Product (GDP) sa unang tatlong buwan ng 2012 matapos umabot sa 6.1% kaya naman abot-kamay ng pamahalaan ang target na paglaki ng GDP na lima (5) hanggang anim (6) na porsiyento sa pagtatapos ng taon.
Puntuhan rin natin ang positibong datos nitong 2011 sa pagkakautang ng bansa sa GDP ratio na 50.9% na mas mababa sa naitalang 52.4% noong 2010. Kasi nga naman, maraming pumapasok na mga mamumuhunan dahil sa pagbabalik ng kanilang tiwala sa gobyerno.
Kamakailan, naitala ng Pilipinas ang dalawang magkasunod na beses na pagtalon ng 10 puwesto sa World Economic Forum’s 2012-2013 Global Competitiveness Report.
Ipinagmamalaki rin ng Punong Ehekutibo ang lu­malaking bilang ng mga negosyanteng naghahayag ng tiwala kay Pangulong Aquino dahil sa malinis at matuwid nitong pamamahala.
Aasahan nating patuloy na makikinabang ang mga Fi­lipino sa bunga ng mabuting binhi na itinanim ni PNoy sa kanyang matuwid na daan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: