Monday, October 15, 2012

Sin tax!



Sin tax!
REY MARFIL


Simple lang naman ang layunin ng administrasyon sa isinusulong nitong programa na taasan ng buwis ang sin products lumaki ang buwis na makukuha sa sigarilyo at alak, at mabawasan ang mga tumatangkilik sa bisyong ito na pinagmumulan ng iba’t ibang sakit.
Kung masusunod ang hinahangad na bersiyon ng pamahalaan para sa dagdag na buwis, tinatayang P60 bil­yon ang dagdag na kikitain ng gobyerno. Dagdag na kita na mapupunta sa pondong ginagamit sa pagpapagamot ng mga nagkakasakit na Pilipino, kasama na ang mga nagkasakit dahil sa labis na paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Ngunit ang layunin na ito ng pamahalaan ay nalubak ng dalawang ulit habang tinatalakay sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang Senado at Kamara de Representantes.
Sa bersiyon na ipinasa ng Kamara, ang inaasahang kita ng pamahalaan na P60 bilyon ay nabawasan sa P30 bilyon. Subalit mas maliit ang bersiyon na ipinasa sa committee on ways and means ng Senado na umabot lang sa P20 bilyon.
Mula kasi sa komite, pagdedebatihan na ang panukalang batas sa plenaryo kung saan maaari pang mabago ito at maitaas ang numero sa kokolektahing buwis.
Maliban kasi sa madadagdagan ang pondo na ilalaan sa kalusugan, intensiyon ng pamahalaan na mapataas talaga ang presyo ng sigarilyo at alak para mailayo na sa bisyo ang mga tao lalo na ang mga kabataan.
Kung magiging mahal na ang presyo ng sigarilyo at alak, tiyak na mababawasan ang kumukonsumo nito. Mababawasan din ang mga taong nagkakasakit lalo na ang mga mahihirap na walang pambayad sa ospital na kailangang tulungan ng gobyerno sa kanilang pampaospital.
Asahan din na may kapalit ang magandang layunin na ito ng pamahalaan, walang iba kundi ang posibleng paghina ng negosyo ng tabako at alak na tatama sa malalaking kumpanya na matagal nang kumita sa mga taong nalulong sa kanilang produktong nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan.
***
Napag-usapan ang aksyon ng gobyerno, ang malinis na intensiyon ni PNoy ang nasa likod ng paniniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kanilang ginagawa ang lahat ng mga paraan upang hindi magamit ng mga politiko ang ipinapatupad na conditional cash transfer (CCT) program.
Inihayag ni DSWD-Cordillera regional director Leonardo Reynoso na isinasa-pinal nila ang memorandum para ipaalala sa lahat ng mga benepisyunaryo na maaari silang dumalo sa mga pagtitipon bukod sa ipinatawag ng departamento bilang aktibong mga botante at hindi benepisyunaryo ng CCT.
Kinakatigan ko ang kahalagahan na hindi dapat dumalo ang mga benepisyunaryo sa mga politikal na pagtitipon suot ang CCT t-shirts. Alam naman natin na madaling abusuhin ang CCT ng ilang ganid na mga politiko para sa kanilang pansariling interes.
Umaabot sa 3.1 milyon ang benepisyunaryo ng CCT sa buong bansa at 54,000 pamilya ang nakikinabang sa tinatawag na bridge program sa mga malalayong mga rehiyon.
Dapat maunawaan ng lahat, partikular ang mga politiko, na sineserbisyuhan ng DSWD ang lahat ng walang anomang pulitikal na konsiderasyon. Kaya naman masigasig ang mga opisyal ni PNoy sa pagtiyak na hindi ito magagamit sa pulitika, kahit ng kanyang mga kakampi sa darating na halalan.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: