Monday, October 22, 2012

Dapat walang bahid!





Dapat walang bahid!
REY MARFIL


Bilyun-bilyong piso ang pinag-uusapan sa industriya ng iligal na droga sa Pilipinas. Kaya naman kung mahina sa tukso ng pera ang mga namamahala sa ahensiyang nakatokang bumuwag sa kanila katulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), malamang sa malamang, masilaw sila.
Kaya naman nang masangkot sa alegasyon ng korupsiyon ang dalawang pangunahing opisyal sa PDEA, marami sa ating mga kababayan ang nabahala. Kung totoo nga naman na tumatanggap ng suhol ang mga opisyal, papaano pa kaya ang kanilang mga tauhan?
Dahil seryoso ang alegasyon at walang puwang sa krusadang "tuwid na daan" ang katiwalian, inalis sa puwesto ng MalacaƱang si PDEA Deputy Director General Carlos Gadapan dahil sa tinawatag na "loss of confidence".
Kasunod nito, iniutos ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na imbestigahan ang buong ahensiya para malaman ang katotohanan sa mga naglalabasang impormasyon tungkol sa nagaganap na katiwalian sa PDEA.
***
Napag-usapan ang bangayan, hindi kasi biro ang alegasyon. Sinasabing mayroon isang hinihinalang Chinese drug lord na nadakip ang umano'y nagbigay ng malaking halaga sa mga opisyal ng PDEA para iurong ang kaso laban sa kanya. Gayunpaman, lumabas sa mga ulat na kahit nailabas ang umano'y suhol na pera, nanatiling nakapiit ang sinasabing drug lord.
Pero hindi rito nagtapos ang kontrobersiya. Inakusahan ni Gadapan ang kanyang pinuno na si PDEA Director General Jose Gutierrez Jr., na sangkot sa katiwalian at gumaganti lamang sa kanya.
Bukod pa rito, sinabi ni Gadapan na lulong daw sa pagsusugal sa casino ang misis ni Gutierrez na lalong nagpalala sa usapin tungkol sa gusot ng mga pinuno ng ahensiyang inaasahang magpapatumba sa bilyun-bilyong industriya ng illegal drugs.
Kung nagbabanggaan at nagbabatuhan ng akusas­yon ng katiwalian ang mga lider ng ahensiya na malapit sa tukso ng suhulan, lagayan at pangingikil, asahan na may epekto ito sa kanilang mga tauhan o demoralisyon.
Kahit na itinanggi ng mga opisyal ang alegasyon sa kanila, hindi mawawala ang batik na iniwan nito at patuloy silang pagdududahan.
Magandang hakbang ang ginawa ni PNoy na maghanap na rin ng kapalit ni Gutierrez sa katauhan ni dating Police Deputy Director General Arturo Cacdac Jr. bilang bagong pinuno ng PDEA.
Sa ganitong paraan, magkakaroon ng bagong simula ang PDEA upang linisin ang nadungisang pangalan ng ahensiya dahil sa naging away ng kanilang mga dating pinuno.
Bukod dito, muling pinatunayan ni PNoy na wala siyang sasantuhin sa mga itinatalaga niya sa puwesto na masasangkot sa katiwalian, lalo na kung may kinalaman sa iligal na droga na itinuturing salot ng lipunan.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: