Friday, September 28, 2012

Armado ngayon!




Armado ngayon!
REY MARFIL



Dapat suportahan at bigyang kooperasyon ang kautusan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa bagong talagang si Interior and Local Government Sec. Manuel Roxas na paigtingin pa ang paglansag sa mga pribadong armadong grupo sa Pilipinas habang naghahanda ang bansa sa 2013 midterm elections.
Magugunitang walang humpay ang naging kampan­ya noon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng namayapang si Interior and Local Government Sec. Jesse Robredo para buwagin ang mga armadong grupo sa bansa.
Mula sa 80 armadong mga grupo, idineklara ng Malacañang na kalahati na sa mga ito ang nalansag.
Kailangan nating tiyakin na magiging mapayapa ang darating na halalan at mananalo ang mga kandidatong ibinoto ng mga tao.
***
Napag-usapan ang mga aksyon ng gobyerno, hindi ba’t nakakatuwang marinig na sisimulan na sa lalong madaling panahon ng inter-agency body ang pagbuo sa implementing rules and regulations (IRRs) ng bagong lagdang batas na Cybercrime Prevention Act of 2012 upang sugpuin ang mga krimen sa internet sa Pilipinas.
Itinalaga ang Department of Justice (DOJ), DILG at Information and Communications Technology Office sa ilalim ng Department of Science and Technology (ICTO-DOST) para trabahuhin ang Cybercrime Prevention Act of 2012 IRR.
Nilagdaan ni PNoy ng nakaraang Setyembre 12 ang Republic Act (RA) No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kabilang sa mga pinaparusahan ng batas ang pag­labag sa pagiging pribado, integridad at umiiral na computer data system, panghihimasok sa files, ilegal na interception, pakikialam sa data, system interfe­rence, at maling paggamit ng devices.
Kasama rin sa tinatawag na computer-related offenses ang forgery, fraud, at identity theft na talamak ngayon sa internet. Parurusahan din sa ilalim ng batas ang content-related offenses kagaya ng cybersex, at child pornography.
Hindi rin paliligtasin ng batas ang tinatawag na unsolicited commercial communications o cyber-squatting, paggamit sa pangalan ng mga tao para sa sariling kapakinabangan o manira ng reputasyon.
Kabilang sa mga umiiral na batas sa bansa na pinarurusahan ang internet crimes ang Republic Act (RA) No. 9995 o Anti-Photo and
Voyeurism Act of 2009; RA No. 9775 o Anti-Child Pornography Act of 2009; at RA No. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Malinaw na determinado ang administrasyong Aquino na habulin ang mga nasa likod ng iba’t ibang krimen sa internet lalo pa’t nakatali ang kamay ng pulisya sa mahabang panahon.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)





No comments: