Monday, September 3, 2012

Tiwala sa girls!



Tiwala sa girls!
REY MARFIL




Isa na siguro ang administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa may pinakamaraming bilang ng mga babae na sabay-sabay na nanunungkulan sa pamahalaan.
 Ang pinakabago -- si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno na siyang mamumuno sa sangay ng hudikatura.
Ilan sa mga opisyal na babae sa administrasyon ni PNoy -- sina Secretary Leila de Lima ng Justice; Ombudsman Conchita Morales, Secretary Rosalinda Baldoz ng Labor; Secretary Corazon Soliman ng Social Welfare; Presidential Management Staff Julia Abad; Presidential adviser on Peace Process Teresita Deles, CHED chairperson Patricia Licuanan; Human Rights Commissioner Etta Rosales; Internal Revenue Commissioner Kim Henares at Mindanao Development Authority Chair Lualhati Antonino.
Patunay lang ito na mataas ang tiwala ni PNoy sa kakayahan ng kababaihan na pamunuan ang bansa, tulad ng ginawa ng kanyang inang si dating Pangulong Cory Aquino -- ang kauna-unahang babaeng lider ng bansa.
Hindi naman nakapagtataka na pagkatiwalaan natin ang kababaihan sa mga mahahalagang posisyon sa ating bansa. May mga pag-aaral na nagsasaad na mas matapat at masipag sa trabaho ang mga babae kaysa lalaki.
Sabagay, kung papansinin natin ang mga napabalitang kaso na may kaugnayan sa katiwalian, mas marami naman ang lalaki. Iyon nga lang, mas marami rin naman kasing lalaki ang nakapuwesto kaysa kababaihan kaya siguro mas marami rin ang lalaking opisyal ang inaakusahang tiwali sa paggamit ng pondo ng bayan.
***
Napag-usapan ang pagdami ng mga kababaihan sa ga­binete ni PNoy -- umukit ng kasaysayan sa bansa ang pagkakapili kay Sereno dahil ang huli ang kauna-unahang babaeng punong mahistrado sa Korte Suprema.
Si Sereno rin ang ikalawa sa pinakabatang nahirang na chief justice, at pangalawa rin sa may pinakamahabang termino na aabot ng 18 taon. Ibig sabihin, bukod sa administrasyon ni Aquino, may tatlong pangulo pa na pagsisilbihan si Sereno -- ito’y kung hindi siya mai-impeach gaya ng nangyari sa pinalitan niyang si dating chief justice Renato Corona na imposible namang mangyari dahil sa magandang karakter nito.
Pero hindi dapat paghambilingin ang usapin ng disgusto ni PNoy kay Corona. Ang pagkakatalaga ni Corona bilang chief justice ni dating Pangulong Gloria Arroyo, ito’y itinuturing na “midnight appointment”.
Paalis na sa pwesto si Arroyo at mas nararapat na hinayaan na lamang si PNoy na siyang pumili ng chief justice. Kaya naman nagkaroon ng mga alegasyon na “baka” kaya ipinilit ni Arroyo na ilagay sa pinakamataas na puwesto ng SC si Corona ay para magkaroon siya ng “protector”.
Ngunit dito sa kaso ni Sereno, legal at walang bahid ng pagdududa ang pagtatalaga ni PNoy. Kaya naman hindi maaaring magreklamo ang susunod na dalawang pa­ngulo na “midnight appointment” ang paghirang kay Sereno at hiritan din nilang magbitiw kapag wala na sa poder si PNoy.
Pero malayo pa ang senaryong ito, sa 2016 pa matatapos ang termino ni PNoy para maghalal ng bagong pangulo. At ang ikatlo at ikaapat na pangulo na aabutan ng termino ni Sereno ay mahahalal naman sa 2022 at 2028. Kaya naman sa ngayon, hayaan na muna natin ang bagong hirang na punong mahistrado na patunayan ang kanyang kakayahan.
Manalig tayo sa desisyon ni PNoy na aakayin niya tayo sa tuwid na daan at manmanan na lamang muna natin si Chief Justice Sereno kung kaparehong landas natin ang kanyang tatahakin, hindi sana siya maligaw.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: