Wednesday, September 26, 2012

Malayo sa nakaraan!




Malayo sa nakaraan!
REY MARFIL



Dapat kilalanin ang pagsusumikap ni Agriculture Sec. Proceso Alcala na mailuwas ang tinatawag na “cavendish bananas” ng bansa sa mga tropang Amerikano sa Gitnang Silangan at Pasipiko.
Tinatrabaho ni Alcala ang bilateral agreement sa Washington para sa posibleng pagluluwas ng mga sa­ging lalo na ngayong mayroong teknolohiya ang Pilipinas upang dalhin ito sa mga sundalong Amerikano na nasa labas ng Estados Unidos.
Bukod sa mga base militar, tinitingan rin ng DA ang Defense Commissary Agency (DeCA) na pinatatakbo ng United States Department of Defense bilang mas magandang merkado ng saging ng Pilipinas. Pinatatakbo ng US Department of Defense ang mahigit sa 250 commissa­ries sa buong mundo.
Nagbebenta ang commissaries ng groceries at household goods sa active-duty, guard, reserve, at retiradong mga kasapi sa lahat ng pitong uniformed services ng US at kasapi ng kanilang mga pamilya.
Dahil sa sinserong serbisyo, malaki na ang tsansa ng cavendish bananas ng bansa na makapasa sa US export requirements matapos ipatupad ng Department of Agriculture ang ilang mga hakbang na nagpataas sa kalidad ng ating mga saging.
Nakipagkita si Alcala sa US Department of Agriculture attachés para talakayin ang sanitary at pythosanitary requirements ng mga saging at asahan natin ang pagluluwas ng produkto sa lalong madaling panahon.
Ginagawa ng administrasyong Aquino ang lahat para sa promosyon ng mga produkto ng bansa na magreresulta sa karagdagang kita at trabaho ng mga Pilipino.
***
Napag-uusapan ang good news, senyales sa lumala­gong ekonomiya ng bansa ang 2012-2013 Global Competitiveness Report na ulat kung saan bumuti ang ran­king ng Pilipinas na nasa ika-65th spot ngayon mula ika-75 posisyon.
Halos 10 puntos ang naging ginansya ng Pilipinas sa ika-65 posisyon ngayon sa hanay ng ekonomiya ng 144 na bansa base sa pinakabagong pananaliksik ng Global Competitiveness Report 2012-2013 o ang taunang publikasyon ng World Economic Forum.
Noong nakaraang taon, 10 puntos rin ang iniangat ng bansa mula sa 85th tungong 75th o kabuuang 20 puntos na pagtaas sa nakalipas na dalawang taon ito’y bunsod ng matuwid na kampanya ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nagawang maibalik ang tiwala ng publiko at mga negosyante sa pamahalaan.
Kitang-kita rin ang pag-asenso ng mga pampublikong institusyon na nakaabot sa ika-94 na posisyon o pag-angat ng 23 puntos habang 33 puntos naman ang iniakyat ng tiwala ng publiko sa mga pulitiko para sa ika-95 na puwesto.
Talagang malinaw ang hindi natitinag na pag-angat ng sosyal na tiwala at pagpapalakas ng demokratikong mga institusyon bilang resulta ng isinulong na mga reporma sa pamahalaan sapul nang maupo sa kapangyarihan si PNoy noong Hunyo 2010.
Kabilang pa sa paborableng mga resulta ang transpa­rency sa pagbuo ng polisiya na umangat ng 23 puntos at pagiging parehas sa pagkakaloob ng mga kontrata na tumaas naman ng 19 na puntos.
Nakapagtala rin ng 27 puntos na pag-angat sa isyu ng pagbabawas sa tinatawag na paglilipat ng mga pampublikong pondo habang 23 puntos na pagtaas sa pagbabawas ng tinatawag na maaksayang paggugol ng salapi ng bayan at 11 puntos na pagtaas sa pagpapabuti ng iregular na pagbabayad o panunuhol.
Malinaw na nag-ugat ang lahat ng positibong pagbabago sa pagiging “competitive” ng Pilipinas sa mga repormang inilatag ng administrasyong Aquino.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: