Monday, September 24, 2012

Paglaban!



Paglaban!
REY MARFIL


Maganda ang hatid na balita sa lumabas na resulta ng pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakita ng malaking kumpiyansa ng mga negosyante tungkol sa pagbaba ng katiwalian sa gobyerno sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Sa 2012 SWS Survey of Enterprises on Corruption na ginawa noong July 16 hanggang Sept. 14, lumabas na 71% ng tinanong na 826 business executives ang nagpahayag na mas kaunti na ang katiwalian sa gobyerno, at dalawang porsiyento (2%) lamang ang nagsabing malala pa rin.
Ang naturang survey ay nagpapakita rin na mas bumubuti ang pananaw ng mga negosyante tungkol sa usapin ng katiwalian sa gobyerno. Sa nakaraang survey kasi na ginawa naman noong May 24 hanggang 27, 2012, 64% ang nagsabing nabawasan na ang katiwalian, kumpara sa dating nagsabi na limang porsiyento (5%) na lumalala ang problema.
Sa pananaw ng SWS, nagkaroon ng radikal o puspusang kampanya ang pamahalaan ni Aquino laban sa katiwalian.
Hindi naman ito kataka-taka dahil lumalabas naman ang mga balita tungkol sa tauhan o maging opisyal ng pamahalaan at law enforcement agencies na natatanggal sa trabaho kapag nasangkot sila sa iskandalo ng katiwalian.
Pagpapakita ito na hindi nakakalimot si PNoy sa kanyang ipinangako noon na lilinisin niya sa katiwalian ang gobyerno na iniwan ng nakaraang administrasyon.
Sa isang survey ng SWS noong 2009, umabot sa 64% ang paniniwala ng mga negosyante na matindi ang katiwalian sa nakaraang gobyerno ito’y hindi kailangan pang i-survey lalo pa’t namutiktik sa iskandalo ang administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at naging “busy” sa inquiry ang Senado.
***
Napag-usapan ang seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, hindi kataka-taka na lalo pang tumaas ang pagtitiwala at approval rating niya sa mamamayan, batay naman sa hiwalay na survey na ginawa ng Pulse Asia nitong Agosto 31 hanggang Sept. 7.
Sa resulta ng naturang survey, 78% o pito (7) sa bawat sampung (10) Filipino ang nasisiyahan sa ginagawa ng Pangulo. Mas mataas ito sa 67% na nakuha sa nakaraang survey na ginawa ng Pulse Asia.
At dahil sa seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, ang mga ahensya ng pamahalaan na dating talamak sa paniwalang korap ay unti-unti ring nakakabangon ng kanilang imahe. Malaking bagay dito ang paglalagay ng matitinong opisyal na namumuno sa iba’t ibang ahensya.
Sa 20 ahensya ng gobyerno, 17 sa kanila ang namarkahan sa SWS survey na seryoso na labanan ang katiwalian. At siyempre, sa mga ahensyang ito, ang tanggapan ng Pangulo (Office of the President) ang nakapagtala ng may pinakamalaking pagbabago sa ilalim ng liderato ni PNoy na mula sa rating na negative 37 noong 2009 sa ilalim ni Mrs. Arroyo, ito’y naging 81%, as in nasa katinuan ngayong 2012 ang gobyerno.
Mahaba pa ang biyahe sa tuwid na daan, marami pang lubak na maaaring daanan. Pero sa pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan, mararating natin ang dulo ng tagumpay.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: