“Puno” ng espekulasyon! | |
REY MARFIL
Parang matayog na puno na hitik sa bunga ngayon si Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Rico Puno dahil sa mga intrigang ipinupukol sa kanya at maging ang pagkakaibigan nila ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ito’y iniintriga pa.
Nag-ugat ang lahat sa pagpunta ni Puno sa condo unit at tanggapan ng namayapang “boss” nito si DILG Secretary Jesse Robredo sa Napolcom. Nanganak na ang kwento sa umano’y pagkakadawit niya sa overpriced arms deals sa Philippine National Police.
Bukod pa diyan, may tsismis pa tungkol sa jueteng collection at pinakamatindi ang pananabotahe diumano sa eroplano ni Robredo na isang napakalaking kalokohan, katulad ng gustong ipinta ng grupong sagad hanggang kaibuturan ng laman-loob ang inggit kay Puno, sampu ng kontratistang na-disqualify sa bidding at ngayo’y kumuha ng PR group upang wasakin ang mabuting imahe nito.
Dahil pinili ni Puno na manahimik sa kabila ng mga naglalabasang alegasyon at tsismis, simula sa kuwentong-barbero hanggang usapang-kanto, tila mas lalo namang nagpiyesta ang mga nais sumakay sa isyu. Maging si PNoy ito’y binato ng mga mokong at nais palabasin na kinakampihan si Puno at kesyo may nilulutong cover-up sa pagkandado ng opisina at condo ni Robredo.
Subalit kung tutuusin, simple lang naman ang kuwento may mga mahahalagang dokumento sa tanggapan ni Robredo na dapat pag-ingatan at posibleng meron din sa condo unit nito. Kaya naman ang Pangulo na mismo ang nag-utos kay Puno na i-secure ang mga dokumento- kahit pa ang mga dokumentong ito’y may kaugnay sa iniimbestigahang arms deal na sinasabing kabahagi si Puno.
Kung may masamang motibo si Puno sa pagpunta sa condo unit at opisina ni Robredo, hindi naman “row four” ang opisyal na siya mismo ang nandoon at nagpalista pa ng pangalan sa guwardiya? Bakit pa siya magsasama ng photographer at videographer na nagdokumento ng isinagawang pag-sealed sa tanggapan ni Robredo? Take note: nagtapos sa state university si Puno at lalong hindi “saling-pusa” sa classroom!
Lalong hindi sisirain ni PNoy ang tiwala sa kanya ng publiko kung poprotektahan niya si Puno kung tunay na may ginagawa itong kalokohan sa DILG. At hindi rin naman siguro sira si Puno na ipapahamak ang kaibigang nagtiwala dito. Tama si Senador Chiz Escudero hindi mahanapan ng butas si PNoy ng mga kritiko kaya’t iniintriga ang mga kaibigan nito.
Si PNoy na mismo ang nagsabi na si Puno ang kanyang “mata at tenga”. Ibig sabihin, si Puno ang nagbibigay ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa DILG, partikular na marahil sa kapulisan.
Tiyak na may mga sensitibong impormasyon si Puno na ibinibigay kay PNoy na hindi natin alam. Mga impormasyon na marahil ay dahilan para marami rin ang hindi masiyahan kay Puno lalo na kung nakakasagabal sa kanilang “raket”.
***
Napag-usapan din lang naman ang mga samu’t saring kuwentong kutsero ng mga intrigador sa laki ng tiwala ng mga tao sa ating Pangulo, malabong babalewalain ni Puno ito. Batay nga sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations, 8 sa bawat 10 Pilipino ang kumpiyansa kay PNoy, pinakamataas mula nang mamuno siya sa ating bansa.
At batay na rin sa imbestigasyon sa pagbagsak ng eroplano ni Robredo, mismong ang nag-iimbestiga na ang nagsabi na aksidente at hindi sinabotahe ang eroplano ng kalihim kaya’t tigilan ng mga inarkilang PR group ang paglulubid ng buhangin.
Marahil dahil sa tiyak niya sa sarili na hindi siya “guilty” sa mga paratang, mas pinili ni Puno na manahimik. Kahit naman noon ay hindi matakaw sa media ang opisyal.
Pero isa lang ang tiyak, kung may mga hindi natutuwa sa pananatili ni Puno sa DILG dahil nakakarating kay PNoy ang kanilang ginagawa, malamang na masaya sila ngayon dahil nagbitiw ang kaibigan ng Pangulo, as in wala ng punong sagabal sa kanilang palusot at masamang adhikain
Sadyang mahirap ang pulitiko, magsalita ka sasabihin “mukhang guilty” dahil “defensive”. Kung pipiliin mo naman ang manahimik, sasabihin “bakit hindi magsalita kung wala namang itinatago?”
Sa huli, antayin natin ang imbestigasyon at magtiwala sa pasya at disposisyon ng ating Pangulo. Dahil sa “tuwid na daan”, tiyak na hindi hahayaan ni PNoy na may nakaharang, kahit malaking troso pa ‘yan.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com
|
Friday, September 14, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment