Wednesday, September 5, 2012

Walang kupas!




Walang kupas!
REY MARFIL



Ang “tuwid na daan” ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kapag dinagdagan ng tiwala ng mga namumuhunan, ang resulta nito’y -- paglago ng ekonomiya.
Patunay ang pinakabagong datos sa ekonomiya ng bansa sa nakaraang tatlong buwan na umabot sa 5.9% -- mas mataas sa inaasahan ng mga independent analyst na nasa 5.4 hanggang 5.8%.
Ang pag-arangkada ng ekonomiya ng Pilipinas, ito’y mas mabilis kumpara sa iba nating kapit-bansa gaya ng Malaysia (5.4%); Vietnam (4.4%); Thailand (4.2%) at Singapore (2%). Ang tanong lamang ni Mang Gusting: Ito ba’y nakikita ng mga kritiko ni PNoy o sadyang nagbubulag-bulagan dahil nagpi-feeling ampalaya, as in “bitter” pa rin sa resulta ng halalan?
Dahil mataas din ang sipa ng ekonomiya ng Pilipinas noong unang tatlong buwan ng taon sa 6.3 %, ina­asahan na magpapatuloy ang paglago ng ekonomiya hanggang sa nalalabing apat na buwan ng taon.
Ang pag-angat ng ekonomiya sa ikalawang bahagi ng taon ay bunga ng malakas na services sector na nasa 4.3%. Kailangan naman ang lubos pang ayuda sa sektor ng agrikultura na nagposte lamang ng 0.1%, habang nasa 1.5% ang industry.
Ang patuloy na paglago ng ekonomiya ay hindi mangyayari ng basta na lamang. Hindi ito katulad ng kabute na maaaring basta na lamang tumubo sa kung saan-saan. Ang pag-angat ay bunga ng mga programang ipinatupad ng pamahalaang Aquino upang makuha muli ang tiwala ng mga namumuhunan.
***
Napag-uusapan ang datos, mismong si Socio Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan ang nagsabing hindi nakakamit ng bansa ang mataas na pag-angat sa ekonomiya kung hindi nagbago ang pagtingin ng mga tao sa paraan ng pamumuhunan sa bansa.
Dahil sa mga kontra-katiwalian na programa ka­tulad ng anti-wangwang at mas mabilis na pagpro­seso ng mga dokumento, mas patas na mga tran­saksyon, dumami ang mga negosyante na namumuhunan sa ating bansa -- sa industry man o service sector.
Maging ang ilang media sa ibang bansa ay nagpahayag ng paniniwala na ang Pilipinas na ang maa­aring ituring “Asia’s new darling of investors” kung pagbabatayan ang resulta ng pag-angat ng ekonomiya sa taong ito.
Sa pananaw ng mga dayuhang namumuhunan, sinasabing magandang maglagak ng negosyo sa Pilipinas dahil sa mababang fiscal deficit, malakas na domestic demand at mataas na dollar remittances.
Idagdag pa ang masiglang outsourcing business sa bansa.
Marahil may ilang magsasabing hindi naman nila nararamdaman ang naturang pag-unlad ng ekonomiya. Pero kung ating papansinin, makikita ang mara­ming proyektong pang-imprastruktura at mas maraming mahihirap na naayudahan ng mga anti-poverty program tulad ng Conditional Cash Transfer (CCT).
Makikita rin na mabilis ang mga proyekto sa pagsasaayos ng mga lugar na nasalanta ng mga pagbaha at iba pang programa at proyekto na kailangan ng mga mamamayan. Take note: Nasa ikalawang taon pa lamang ang administrasyon ni PNoy at asahan na lubos nating mararamdaman ang bunga ng paglago ng ekonomiya sa malapit na hinaharap.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: