Monday, September 17, 2012

Upgrade




Upgrade
REY MARFIL


Kapuri-puri ang pagsusumikap ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na bawasan ang tinatayang 300,000 nur­sing graduates sa bansa na walang trabaho.
Gugugol ang pamahalaan ng P2.8 bilyon sa susunod na taon para kunin ang serbisyo ng 22,500 nurses; 4,379 komadrona at 131 doktor sa pamamagitan ng pinalawak na Doctors to the Barrio and Rural Health Practices Program sa ilalim ng 2013 P2.006-trillion General Appropriations Bill (GAB).
Aabot sa P1.114 trilyon ang bagong pondo o 66 porsiyento na mas malaki kumpara sa kasalukuyang P1.686 bil­yong alokasyon ngayong taon na sapat lamang para kunin ang serbisyo ng 12,000 nurses; 1,000 komadrona at 200 doktor.
Inaasahang mapapabuti ang serbisyong kalusugan sa mga mahihirap na mga lugar sa bansa sa pamamagitan ng pinalawak na programa na makakatulong din upang magkaroon ng pansamantalang trabaho at karagdagang pagsasanay ang walang trabahong health professionals sa bansa.
Asahan nating makakatulong ang karagdagang kaalaman at karanasan na matututunan ng health professionals sa programa ni PNoy para makakuha ang mga ito ng trabaho sa loob at labas ng bansa sa hinaharap.
Sa pahayag kasi ng Professional Regulation Commission (PRC), kabilang ang nurses at mga komadrona sa malaking grupo ng mga propesyonal na nahaharap sa krisis sa pagkakaroon ng permanenteng trabaho.
Ngayong taon, nagkaloob ang PRC ng lisensya sa 50,583 bagong nurses at 2,149 bagong komadrona na nakapasa sa eksamin. Marami sa mga ito ang talagang walang trabaho o kaya naman naghahanapbuhay ng hindi angkop sa kanilang tinapos at desperadong magkaroon ng permanenteng pagkakakitaan kaya naman todo kayod si PNoy sa paghahanap ng mga paraan para matulungan ang mga ito.
Sa ilalim ng Doctors to the Barrio Program and Rural Health Practices Program, tutulong ang nurses para ipatupad ang P2 bilyong pinalawak na pagbakuna sa 2.7 milyong sanggol na mayroong edad na 0 hanggang 15 buwan kontra sa tuberculosis (TB), diphtheria, pertussis, tetanus, polio, measles, at rotavirus.
Tutulong din sila sa pagbakuna ng senior citizens laban sa flu at pneumonia at umagapay sa pagpapatupad ng P1 bilyong TB Control Program sa pamamagitan ng tinatawag na Directly Observed Treatment Short Course (DOTSC) Strategy.
Katuwang naman ang mga komadrona sa pagkakaloob ng modernong pamamaraan ng pangangalaga sa kalusugan ng mga nanganganak at kanilang mga sanggol sa malalayong mga lugar sa bansa kung saan kadalasang nanganganak ang mga kababaihan sa kanilang mga bahay nang walang kasamang medical professionals.
***
Napag-usapan ang good news, binabati natin ang administrasyong Aquino sa pagpapatupad ng mga reporma sa industriya ng paliparan sa bansa para maibalik ang Pilipinas sa Category One status ng United States Federal Aviation Administration (FAA).
Itinalaga ni outgoing Transportation and Communications Sec. Manuel Roxas si retired Lieutenant General William Hotchkiss III at grupo nito para tiyaking maaalis ang bansa sa tinatawag na Category 2 sa lalong madaling panahon.
Nitong nakalipas na Hulyo, hinirang din ng board of directors ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) si Hotchkiss bilang director-general ng CAAP. 
Ginagawa naman ng mga opisyal ng administrasyong Aquino ang lahat ng kailangang mga reporma para maalis ang bansa sa Category 2 status kung saan nasita ang sinasabing mga kakulangan sa kaligtasan ng ating mga paliparan.
Hindi lamang kasi naaapektuhan ang budget airlines kundi tinatamaan din maging ang mga kompanya ng eroplanong nagtutungo sa Europe at Estados Unidos (US).
Dapat tayong magpasalamat sa dobleng pagsusumikap ng pamahalaang Aquino upang makabalik ang Pilipinas sa Category 1 level at agresibong maisulong ang turismo at mapalawak pa ang merkado nito.
Magugunitang ibinaba ng US FAA sa Category 2 mula Category 1 noong Enero 17, 2008 ang kalagayan ng mga paliparan sa bansa dahil sa isyu ng seryosong teknikal na problema sa pangangasiwa ng mga paliparan matapos magsawa ng pagsusuri sa kaligtasan ng mga pasi­lidad at istruktura.
Kabilang sa naging mga isyu ang kakulangan ng pagsasanay ng safety inspectors, mahinang electronic record-keeping at kabiguan ng CAAP na magkaloob ng safety oversight ng kanilang operasyon para makasunod sa itinatakdang alituntunin ng International Civil Aviation Organization.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: