Wednesday, September 12, 2012

Tama lang!




Tama lang!
REY MARFIL


Hindi naman talaga nakakagulat ang pagkakaroon ng bansa ng magandang takbo ng ekonomiya na lumago ng 5.9% sa ikalawang quarter ng 2012 dahil sa matino at matuwid na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Mas mataas ng 3.6% ang paglaki ng ekonomiya ng bansa na sinusukat sa Gross Domestic Product (GDP) kumpara sa parehong panahon noong 2011.
Walang kuwestyon na ilan sa mga dahilan ng magandang lagay ng ekonomiya ang matuwid na landas na tinatahak ng administrasyong Aquino kung saan reporma at serbisyo para sa kapakinabangan ng maraming Pilipino ang isinusulong.
Dahil sa malinis na pamamahala, tumaas ang kumpiyansa ng mga negosyante sa pamahalaan na lumikha ng malaking karagdagang trabaho na pinaganda pa ng mas malaking pondo na inilalaan ng pamahalaan sa mga mabubuting proyekto upang lumikha ng mga aktibidad sa ekonomiya.
Sa ikalawang quarter ng taon, tumaas ng 45.7% ang paggastos ng pamahalaan sa mga proyekto ng pamahalaan. Base sa 6.1% paglago ng ekonomiya ng bansa sa unang anim na buwan ng taon at pagbaba ng implasyon sa tatlo hanggang limang porsiyento, naniniwala ang mga iginagalang na mga ekonomista na papalo ang GDP sa lima hanggang anim na porsiyento sa kabuuan ng taon.
Tinitingnang dahilan ng magandang pigura ng ekonomiya sa unang anim na buwan ng taon na mas mataas kumpara sa 4.2% noong 2011 ang matatag na sektor ng serbisyo, paglago ng manufacturing at pagbawi ng industriya ng konstruksyon.
Mas mataas rin ang 5.9% sa ikalawang quarter ng 2012 sa itinayang average market forecast na 5.3%.
Nakakatuwa rin na sumisikad ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga negatibong epekto ng paghina ng mga ekonomiya sa Europe at US. Kaya’t salamat sa matuwid na pamamahala ni PNoy na kontra sa katiwalian at kabuktutan na talamak sa nakalipas na pamahalaan.
***
Napag-uusapan ang good news, tama ang desisyon ni PNoy na italaga si Mar Roxas bilang bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) at pangalanan naman si Cavite Rep. Joseph Emilio Aguinaldo Abaya Jr. bilang kapalit nito sa Department of Transportation and Communications (DOTC).
Klarung-klaro ang parehong hindi matatawarang kakayahan at dedikasyon ng dalawa na maglingkod sa kanilang bagong mga trabaho at inaasahan nating magtatagumpay sila.
Pawang mayroong silang karakter, integridad, at kakayahang administratibo na hawakan at pamunuan ang mga ahensya, at masasabing mahusay na karagdagan sa pamilya ng gabinete ni Pangulong Aquino. Labis na pinagkakatiwalaan ni PNoy si Roxas at epektibong tulay nito para sa lokal na mga opisyal.
Mayroong kakayahan sina Roxas at Abaya na mamahala at kasanayang politikal na kapaki-pakinabang sa administrasyong Aquino. Dapat rin nating maintindihan na mayroong politikal na aspeto ang pagtatalaga ng mga opisyal ng Pangulo.
Bigyan natin ng pagkakataon ang bagong itina­lagang mga kasapi ng gabinete na mapatunayan ang kanilang kakayahan lalo’t malinis naman ang kanilang pa­ngalan at reputasyon sa ngalan ng paglilingkod sa bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.”(mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: