‘Di tumitigil | |
REY MARFIL
Hindi ba’t kapuri-puri ang pasensya at kahanga-hangang diplomatikong pagposturang ipinapakita ng administrasyong Aquino sa pagsusulong ng mapayapang solusyon sa agawan sa teritoryo ng West Philippine Sea bilang pinakamainam na pamamaraan hindi lamang sa pagtiyak ng interes ng bansa kundi ng buong mundo na umaasa sa napakahalagang ruta ng kalakal at pamumuhunan sa karagatan.
Dapat nating suportahan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na nananatiling mataas ang nakikitang pag-asa na matutuloy sa hinaharap ang dayalogo sa China upang pag-usapan ang mga isyu na nag-ugat sa agawan sa teritoryo sa West Philippine Sea.
Tama si PNoy sa pagsasabi na ang “puso sa pusong” usapan na mayroong “katapatan at pagiging bukas” ang susi upang maresolba ang problema.
Bagama’t hindi natuloy ang pulong ni PNoy kay Chinese President Hu Jintao sa nakalipas na Asia Pacific Economic Cooperation Summit sa Vladivostok, Russia noong nakalipas na linggo, nananatiling bukas ang pamahalaan ng China sa ideya na magkaroon ng pag-uusap sa isyu.
***
Napag-uusapan ang mga aksyon ng gobyerno, todo-kayod si PNoy para matiyak na maibibigay ang lahat ng mga benepisyo ng mga guro sa bansa, maging ang karagdagang guro at silid-aralan upang mapalakas at maiangat ang antas ng edukasyon.
Sa katunayan, sinaksihan ng Pangulo ang paglagda sa tripartite Memorandum of Agreement ng Departments of Budget and Management (DBM), Education (DepEd) at Government Service Insurance System (GSIS) sa isang seremonya na isinagawa sa Malacañang nitong nakalipas na Martes.
Sa ilalim ng MOA na pinirmahan nina Budget Secretary Florencio Abad, Education Secretary Armin Luistro at GSIS president and general manager Robert Vergara, layunin nitong resolbahin ang problema sa hindi nababayarang kontribusyon sa pamamagitan ng pagbabalik ng benepisyo ng 800,000 aktibo at hindi aktibong mga kawani ng DepEd sapul noong Hulyo 1997.
Babayaran ng DBM ang P6.92 bilyong premium-in-arrears na kumakatawan sa obligasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng agarang pagpapalabas ng P3.46 bilyon o kalahati ng halagang kailangang maibigay sa GSIS.
Bilang tugon, kakalimutan ng GSIS sa pamamagitan ng Board of Trustees nito ang P14 bilyong naipong interes sa problema at magkakaloob pa ng limang porsiyentong diskuwento sa halagang kailangang bayaran.
Sa naging pahayag ni GSIS president at general manager Vergara sa paglagda ng MOA, makikinabang ang mga kawani ng DepEd sa tamang umento sa pinalaking benepisyo, mas mataas na halaga na maaaring utangin at potensyal na paglaki pa ng mga benepisyo sa pagreretiro.
Nabatid pa sa opisyal na makakatanggap ng mas mataas na pensyon ang mga retirado at aktibong mga kawani ng DepEd dahil magkakaroon ang GSIS ng panibagong kalkulasyon sa kanilang mga benepisyo.
Nakasama ng Pangulo sa seremonya sina GSIS chairman Daniel Lacson Jr., Senator Edgardo Angara, Manila Rep. Rosenda Ocampo at Alliance of Concerned Teachers partylist Rep. Antonio Tinio, at iba pa.
Dumalo rin sa seremonya sina Teachers’ Dignity Coalition chairman Benjo Basas, Philippine Public School Teachers Association (PPSTA) president Mario Ramirez, DepEd-NEU national president Atty. Domingo Alidon at Manila Public School Teachers Association (MPSTA) president Benjamin Valbuena.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Wednesday, September 19, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment