Friday, September 7, 2012

Pagbigyan!




Pagbigyan!
REY MARFIL



“Give me a chance” -- sabi nga sa isang awitin. Ganito rin marahil ang dapat nating gawin sa mga bagong talagang opisyal ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino.
Una na rito ang ating first lady Chief Justice na si Maria Lourdes Sereno na napili ni PNoy sa listahang isinumite ng Judicial and Bar Council (JBC) na kapalit ng pinatalsik na si dating punong mahistrado Renato Corona.
Hindi pa man kasi nakakaupo si Sereno bilang chief justice, kung anu-anong intriga na ang naglalabasan, kesyo bagsak umano sa psycho test na ginawa ng JBC kaya delikado raw na ito ang mamuno sa Korte Suprema.
May tsismis pa na hindi raw nakatala sa isinapublikong Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ni Sereno ang lahat ng kinita nito noong siya’y abogado pa ng pamahalaan sa kaso tungkol sa Piatco.
Anu’t anopaman, ginawa na ni PNoy ang kanyang obligasyon sa ilalim ng Saligang Batas na pumili ng kapalit ni Corona sa takdang panahon. Hindi naman “ogag” ang mga kasapi ng JBC na magrerekomenda sa Pangulo ng chief justice na may “sayad” ang utak.
Marahil, ang mga intrigang lumabas laban kay Sereno ay kathang-isip ng mga taong ayaw sa chief justice. Una, dahil hindi nila ito mapapakiusapan; ikalawa, ng mga taong nasapawan niya; o kaya’y ng mga simpleng naiinggit lamang, as in “taong-ampalaya” dahil bitter hanggang ngayon.
***
Bukod kay Sereno, dapat ding igalang ang pasya ni PNoy sa pagpili kina Sec. Mar Roxas na kapalit ng pumanaw na si Jesse Robredo sa Department of Interior and Local Government (DILG); at si Cavite Rep. Emilio Abaya, bilang kalihim naman ng Department of Transportation and Communications (DOTC).
Gaya ni Sereno, hindi pa man nakakaupo sina Roxas at Abaya sa kani-kanilang bagong trabaho ay katakut-takot na intriga na rin ang naglalabasan. Nahaluan pa ito ng pulitika at pilit na binubuhay ang matagal ng isyu tungkol sa umano’y paksiyon ng Balay at Samar groups.
Ngunit kung tutuusin, makikita na walang basehan ang intriga dahil mismong si Executive Secretary Jojo Ochoa pa nga ang nagdepensa sa budget ng DILG para sa 2013 nang isalang ito sa budget hearing ng Kongreso.
Si Ochoa, na sinasabing mula sa Samar group, ang itinalagang OIC ni PNoy sa DILG. Kung totoo na may paksiyon at iringan, marahil ay hindi isusulong ni Ochoa ang DILG budget na ang makikinabang ay si Roxas, na mula sa sinasabing grupo ng Balay.
Hindi lang basta idinepensa ni Ochoa ang magiging budget ni Roxas sa DILG, binigyan katwiran pa niya ang pangangailangan na mabigyan ito ng mas mataas na bud­get kaysa ngayong 2012. Nanawagan pa si Ochoa na sana’y bilisan ang pagpapalusot kay Roxas sa Commission on Appointments para makapagsimula na ito sa DILG.
Patuloy ang magandang performance ng ekonomiya ng ating bansa. Katunayan ay tumaas ng 10 baytang ang marka ng Pilipinas sa 2012 World Economic Forum’s Global Competitiveness Report.
Kaya mula sa dating 75, nasa pang-65 na tayo sa 144 mga bansa na may masiglang kalakalan sa mundo. Ito’y bunga ng mataas na kompiyansa ng namumuhunan sa Pilipinas at seryosong kampanya ni PNoy laban sa katiwalian at korapsyon.
Kaya sana naman, isangtabi muna ang bangayan at pulitika. Hayaan munang umusad ang bansa at diretsong tahakin ang tuwid na daan tungo sa kaunlaran.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: