Prangka lang! | |
REY MARFIL
Mapupunan ang ibinawas na subsidiya sa apat na Quezon City-based specialty hospitals na nagkakahalaga ng P347 milyon sa ilalim ng 2013 P2.006 trilyong pambansang badyet ng karagdagang pondo at pinalawak na benepisyo ng PhilHealth policy na tinatawag na “zero balance billing” sa 23 kaso na maaaring pakinabangan ng mga miyembro sa mga pampublikong ospital.
Tinutukoy natin dito ang “Type Z Package” ng PhilHealth kung saan itinaas ang halaga na maaaring ma-reimburse sa pagpapagamot ng “catastrophic diseases” kagaya ng leukemia sa mga bata, kidney transplants, prostate, breast cancer, at iba pa.
Binawasan ang subsidiya sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine Heart Center (PHC), Philippine Children’s Medical Center (PCMC) at Lung Center of the Philippines (LCP).
Malinaw na konektado sa mas pinagandang paglilipat ng polisiya alinsunod sa prayoridad ng Department of Health (DOH) mula “personal health care” tungong “public health program” ang pagbabawas sa subsidiya.
Kung saka-sakali naman, maaaring panatilihin ng pamahalaan ang halaga ng subsidiya ng pamahalaan ngayong taon at 2013 sa pamamagitan ng Kongreso kung talagang makikita na kailangan ito.
Isa sa paraan para mapunan ang pagbabawas sa subsidiya sa Philippine Heart Center ang pagsasapinal ng PhilHealth sa benepisyong maaaring maibigay sa pasyenteng sumailalim sa cardiac operation.
Nangako ang PhilHealth na ilalabas ang tinatawag na “case rates” para sa mga kaso ng pasyenteng nasa ilalim ng atake sa puso sa ilalim ng Type Z Package.
Base sa inisyal na plano, aabot sa pinakamataas na P600,000 ang maaaring ma-reimburse sa tinatawag na renal transplantation habang P210,000 sa breast at prostate cancer at P210,000 rin sa leukemia ng mga bata.
Bukod dito, kasama rin ang 12 surgical cases at 11 medical cases sa mga bagay na itinaas ng PhilHealth ang benepisyo. Ipatutupad ang programa sa ilang piling mga ospital na pumasok sa kasunduan sa PhilHealth.
Sa 2013, magbabayad ang pamahalaan sa PhilHealth insurance premium ng P12.6 bilyon para sa kabuuang 5.2 milyong benepisyunaryo.
***
Napag-uusapan ang good news, nakakabilib ang pagiging prangka at tapat ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa kanyang saloobin na hindi siya masaya sa ibinigay sa kanyang shortlist ng Judicial and Bar Council (JBC).
Tama namang magreklamo si Pangulong Aquino laban sa sinasabing hindi parehas na proseso sa JBC lalo pa’t samu’t sari ang pagkuwestyon sa ilang panuntunan.
Pero mahalaga dito ang pananatili ng paninindigan ni PNoy na mamili sa hanay ng walong nominado na ibinigay ng JBC na bahagi ng kanyang mandato sa Konstitusyon at hindi ibabalik ang listahan para lamang maisama ang kanyang napipisil na kandidato.
Ibig sabihin, labis ang pagpapahalaga at respeto ng Pangulo sa pagpapairal ng batas at legal na proseso kahit pa merong pag-aalinlangan sa mga pangalang isinama sa listahan.
Kumpara sa nakaraang administrasyon, dalawang beses na nagpakita ng pagkadismaya si Mrs. Gloria Arroyo sa shortlist na ibinigay ng JBC pero parehong nasopla. At may karapatan naman siguro si PNoy na magpahayag ng saloobin o pagkadismaya sa listahang inabot ng JBC?
Mayroong 90-araw ang Pangulo na maglagay ng kapalit ni dating Chief Justice Renato Corona na mapapaso sa Agosto 27 matapos itong ma-convict Senate Impeachment Court noong nakalipas na Mayo 27. Kaya’t abangan kung sino ang magtitimon sa paglilinis ng hudikatura!
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, August 24, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment