Friday, September 21, 2012

Tamang pagtitipon! REY MARFIL



Tamang pagtitipon!
REY MARFIL



Hindi nakakapagtaka ang pinakabagong resulta ng prestihiyosong Social Weather Stations (SWS) survey kung saan nakapagtala si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ng “very good” rating na 77% na pinakamataas sa kasaysayan.
Mainit talaga ang pagtanggap ng mayorya ng mga Pilipino sa matuwid na daan na kampanya ni PNoy sa pagsugpo ng katiwalian sa pamahalaan kaya’t tanging bulag at bingi sa nangyayaring pagbabago, sampu ng mga “mutain” ang hindi nakakaintindi.
Sa isinagawang survey ng SWS mula Agosto 24 hanggang 27, 77% ng Pilipinos ang nagpahayag ng pagkasiya sa trabaho ng Pangulo para sa +67 na mataas ng 25 puntos kumpara sa +42 satisfaction nitong nakalipas na Mayo.
Malinaw ang suporta ng mga Pilipino sa bagong istilo ng pamumuno ng Punong Ehekutibo na nagsusulong ng malaking reporma sa pamahalaan at maraming pampublikong mga institusyon.
Kinumpirma ng magandang numero ang malaking mandatong nakuha ng Pangulo sa nakalipas na halalan bilang lider ng bansa at pagiging instrumento nito tungo sa pagbabago sa kabila ng malaking mga hamon sapul nang maupo sa kapangyarihan.
Positibo ito sa bansa lalo na sa pagkilalang nakuha ng administrasyong Aquino sa ulat ng Global Competitiveness Report of the World Economic Forum. Kinilala kasi ng internasyunal na lupon ang mga inisyatibo sa pagbabago ng pamahalaang Aquino.
Inaasahan pa natin ang mas magandang numero sa trabaho ni Pangulong Aquino sa hinaharap lalo’t patuloy ang kanyang pagsusulong ng transparency, pananagutan, pagbabalik ng tiwala ng publiko sa pamahalaan, katapatan at integridad sa serbisyo publiko.
***
Napag-usapan ang ratings, pinatotohanan ng Pulse Asia ang mataas na popularidad at performance ni PNoy matapos umakyat sa 78%, halos walang pinag-iba sa naunang SWS survey.
Umarangkada ang approval at trust ratings ni PNoy sa nakaraang tatlong (3) buwan, alinsunod sa Pulse Asia survey na isinagawa noong Agosto 31 hanggang Setyembre 7.
Sa Pulse survey, tumaas sa 78% ang approval rating ni PNoy mula sa 67% noong Mayo, maging ang trust rating nito’y umakyat sa 78%, ‘di hamak na malayo sa 65% na naunang naitala.
Take note: bumaba rin ng 4% ang nagbigay ng disappro­val rating kay PNoy kumpara sa 10% noong Mayo, as in 6% ang ibinawas habang ang undecided o walang maibigay na opinyon, ito’y naging 18% na lamang mula sa dating 25%.
Ibig sabihin, maraming natuwa sa 1,200 respondents na tinanong ng Pulse Asia kung saan nakasentro ang isyu sa paglaban ng Pangulo sa kriminalidad kung saan binigyan ng 66% approval rating mula sa 66% na naitala noong Mayo. Ang tiyak lamang ng mga kurimaw, hindi matutuwa ang mga kritiko ni PNoy.
Hindi lang ‘yan, aprubado sa 59% ng mga respondent ang sistema ng pagpapatupad ng gobyerno sa batas habang 57% ang kuntento sa pagpapanatili sa kapayapaan at 50% ang sumang-ayon sa pagsisikap ng administrasyon na maibalik ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan ito’y hindi nangyari sa mahabang panahon dahil nabalutan ng anomalya at eskandalo.
Sa larangan ng pagsisikap ng gobyerno na protektahan ang kalikasan, 50% ang nag-apruba habang 48% ang umayon sa pakikipaglaban ng gobyerno sa teritoryo ng bansa partikular na sa usapin ng Spratly Group of Islands at Scarborough Shoal -- isang patotoo na nasa tamang landas ang pagtitimon ni PNoy.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: