Wednesday, February 29, 2012


Pananabotahe?
REY MARFIL
Sa taong 2015, inaasahang nakatayo ang Entertainment City sa Maynila na magiging bagong pasyalan ng mga turista, mapalokal na dayuhan, partikular ang mga mahilig magli­bang at may kakayahang gumastos ng dolyar.

Kabilang sa mga magiging atraksyon sa Entertainment City ay ang casino na patatakbuhin ng mga kumpanyang bibig­yan ng prangkisa ng Philippine Amusement and Ga­ming Corporation (Pagcor).

Kasama sa nagbuhos ng mala­king puhunan para sa proyektong ito -- ang Japanese tycoon na si Kazuo Okada na nagpasok ng $2 bilyong capital at lilikha ng libu-libong trabaho.

Sentro ngayon ng litigasyon sa US court si Okada dahil sa alegasyon naman ng US tycoon na si Steve Wynn, na dati niyang business partner sa casino sa Macau -- ang Wynn Resort and Casino.

Sa reklamo ni Wynn sa US, inakusahan si Okada na nanuhol sa mga Pagcor official para makakuha ng proyekto (ang pagtatayo ng Entertainment City) at ginamit ang resources ng kanilang kumpanya na Wynn Resort sa Macau.

Pinatira diumano ni Okada ng libre at binigyan ng perang panggastos ang mga opisyal na dinala ng Japanese businessman sa Macau -- kabilang ang nakaraang Pagcor chief -- si Efraim Genuino at kasaluyang Pagcor boss na si Bong Naguiat Jr.

Ginawa diumano ni Okada ang panunuhol sa loob ng nakaraang tatlong taon at umabot ang gastusin na ikinarga sa kumpanya ni Wynn na $110,000. Opo, $110,000 sa loob ng tatlong taon, kumpara naman sa $2 bilyong puhunan sa Entertainment City.

***

Napag-uusapan si Okada, nagpadala ng sulat ang Japanese businessman upang humingi ng paumanhin sa mga Pi­lipino at mga opisyal ng pamahalaan, partikular sa Pagcor dahil sa pagkakadamay sa gusot o kanilang away ni Wynn -- ito’y malinaw sa kanyang sulat na binasa sa public hearing ng House Committee on Games and Amusement noong nakaraang Lunes.

Lumitaw na bago pa ang paghahabla ni Wynn laban sa kanya, naunang nagreklamo at kinuwestyon ni Okada kung bakit nagbigay si Wynn ng HK$1 bilyon sa isang unibersidad sa Macau na hindi umano maipaliwanag ni Wynn hanggang ngayon. Ibig sabihin, mala-Arnold Schwarzenegger sa pelikulang “collateral damage” si Naguiat.

Hindi ito ang unang pagkakataon na naglagak ng puhunan si Okada sa Pilipinas. Katunayan, may ginagawa si­yang expansion sa kanyang negosyo sa Laguna na inaasahang magkakaloob din ng marami pang trabaho.

Nakita raw ni Okada ang malaking potensyal ng Pilipinas na pagtayuan ng entertainment business kaya pinasok niya ang kasunduan sa Pagcor -- bagay na inaayawan umano ni Wynn.

Ang simpleng dahilan daw ni Wynn -- kapag pumatok ang Entertainment City sa Maynila, malamang na mabawa­san ang mga parokyano ng kanyang Wynn Resort and Casino sa Macau.

Sa madaling salita, nakikita ni Wynn na banta sa negosyo niya ang nais gawin ni Okada na makatutulong sa turismo ng Pilipinas.

Sa panahon na mainit ang panawagan ng marami sa gob­yerno na lumikha ng trabaho, hindi biro ang tinatayang 400,000 trabaho -- direct at indirect -- na maaaring malikha sa Entertainment City.

Bukod pa diyan ang bilyun-bilyong dolyar na kikitain ng pamahalaan sa mga turista na maga­gamit sa mga programa ng gobyerno.

Marahil sa usaping ito, ang mga taong mananawagan lamang na pagbitiwin sa puwesto si Naguiat dahil sa ginawang pakikitungo kay Okada ang mga kritiko ng gobyerno; tutol sa casino; at taong nais inaambisyon ang puwesto ni Naguiat sa Pagcor.

Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: