Friday, February 3, 2012
Gumaganda!
REY MARFIL
Dapat tayong magpasalamat kay Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino dahil sa pagsusulong nito ng mga programa na puputol sa red tape sa proseso ng pagrerehistro ng negosyo.
Matapos pangunahan noong nakaraang Biyernes ang paglulunsad ng Philippines Business Registry System (PBRS) sa Makati City, siguradong mapapadali nito ang pagrehistro sa negosyo sa pagtatatag ng one-stop shop para sa mga negosyante na nais na ayusin ang rehistro ng kanilang kabuhayan.
Sa ilalim ng computerized registration systems, magkakaroon ng koneksyon ang ilang ahensya ng pamahalaan para sa pagpaparehistro ng mga negosyante kahit wala ang kanilang presensya.
Inaasahang mahihimok ang marami pang mga Pilipino na magnegosyo, katulad ng sari-sari na mga tindahan para mapayabong ang ekonomiya ng bansa.
Hindi lang ‘yan, kapuri-puri rin ang pagbisita ni PNoy sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City -- ito’y bahagi ng paglulunsad ng 10 taon na 2022 Road Map and Stakeholders Fellowship ng Bureau of Corrections o pagreporma sa sistema ng kulungan sa bansa.
Magbibigay ng pag-asa ang kanyang pagdalaw sa mga bilanggo na sumasailalim sa rehabilitasyon kasabay ng kanyang pangako na tapos na ang maliligayang araw para sa VIP treatment.
Tunay na mayroong pang magandang hinaharap na naghihintay sa mga bilanggo sa labas ng kulungan at dapat sundin ng BuCor ang mahigpit na tagubilin ng Punong Ehekutibo na tulungan ang mga ito na makabalik sa normal na buhay matapos pagsilbihan ang kanilang temino.
Kabilang sa binanggit na reporma ni PNoy na ipinapatupad sa BuCor ang konstruksyon ng bagong mga gusali sa iba’t ibang kulungan sa bansa upang maging maluwag at patuloy na paglulunsad ng programang pangkabuhayan na makakatulong sa mga bilanggo hindi lamang sa pagsuporta sa kanilang mga pamilya kundi para mapataas ang kanilang kasanayan.
Sa ngayon, sinabi ng Pangulo na mayroong 20,000 preso sa NBP na mayroon lamang sanang kakayahan na P9,000-katao kaya ikinunsidera ang paglilipat nito sa mas maluwag na lugar.
***
Napag-uusapan ang good news, mataas na pagpapahalaga sa demokrasya ang ipinapakita ni PNoy matapos umangat ang Pilipinas sa 2011 Press Freedom Index ng Reporters sans Frontières (RSF) o Reporters without Borders.
Base sa pinakabagong pagtataya ng RSF, isang organisasyong nakabase sa Brussels, umangat ang Pilipinas sa 2011 Press Freedom Index bagama’t patuloy pa ring naaapektuhan sa trahedyang dulot ng Maguindanao massacre noong Nobyembre 2009 kung saan pinatay ang 57-katao, kabilang ang 32 kasapi ng media.
Lumabas na nasa ika-140th ranggo na ang Pilipinas sa 2011 Press Freedom Index, isang taunang rating index na inilalabas ng RSF na sumasakop sa kabuuang 178 na mga bansa sa buong mundo.
Bumagsak kasi ang Pilipinas sa ika-156th na ranggo, isang taon matapos ang Maguindanao massacre mula sa dating 122nd na posisyon. Take note: Ito’y nangyari sa administrasyon ni Mrs. Arroyo at minana lamang ni PNoy.
Hindi naman ito nakakapagtaka dahil malaya ang media sa bansa at hindi dumaranas ng intimidasyon na kabaligtaran sa nakalipas na administrasyon. Kung hindi “bineybi” ng nagdaang administrasyon ang pamilya Ampatuan, hindi sana nagkaroon ng Maguindanao massacre!
Bukod dito, patuloy na hinahanapan ng solusyon ng administrasyong Aquino ang mga karahasan laban sa mga mamamahayag.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment