Monday, February 13, 2012
Ultimate sacrifice?
Gaya ng telenovela, habang tumatagal ang impeachment trial ni Supreme Court (SC) Chief Justice Renato Corona, lalong nagiging masalimuot ang ginagawang paglilitis ng Senate Impeachment Court sa ika-limang pinakamataas na pinuno ng bansa.
Sa walong articles of impeachment o alegasyon laban kay Corona, nasa dalawa pa lang ang dinidinig ng Senado. Pero nakaladkad na sa usapin ang Korte Suprema matapos “magpasaklolo” ang kampo ni Corona sa “sariling bahay” nito, sa pamamagitan ng inihaing petisyon.
Sa petisyon, bukod sa nais nilang pigilin ng SC ang pagpapalabas ng mga dokumento tungkol sa peso at dollar accounts ng punong mahistrado, nais din nilang ipatigil na nang tuluyan ang paglilitis ng impeachment court.
Nagpalabas ng TRO ang mga mahistrado ng SC sa pagpapalabas ng mga dokumento sa dollar deposit ni Corona, samantalang tuloy naman ang pagdinig sa kanyang peso accounts. Ang malaking tanong ng mga kurimaw, ano ang magiging desisyon ng SC sa petisyon na tuluyang ipabasura ang proseso ng impeachment?
Ang pag-akyat ng petisyon sa SC na kuwestiyunin ang impeachment trial ang pinapangambahan na tuluyang magresulta sa tinatawag na “Constitutional crisis” -- isang krisis na kahit sa panaginip ayokong isiping itinutulak ng kampo ni Corona para wasakin ang buong institusyon, katulad ng nangyari sa nakaraang administrasyon kung saan kaliwa’t kanan ang pagtatakipan sa mga anomalya at eskandalo.
Malayo sa bituka ng mga mahihirap ang katagang “Constitutional crisis” subalit maiiwasan ang banggaan ng tatlong pinakamataas na sangay ng pamahalaan -- ang lehislatura (Kongreso), ehekutibo (Malacañang) at hudikatura (SC) kung magpapakatotoo ito.
Kung wala ni isang dollar account na pag-aari o itinatago ang mahistradong pinutungan ng korona ni Mrs. Arroyo para magsilbing punong-bantay ng katotohanan, katwiran at katarungan, wala sanang iniimbestigahan ang impeachment court at lalong hindi gumastos sa pagpatahi ng toga ang mga senador!
Papaano kung magpasya ang SC na katigan ang petisyon ni Corona kontra sa articles of impeachment? Susundin ba ito ng Senate Impeachment Court gayung naniniwala ang panig ng prosekusyon na binubuo ng mga kongresista (na kasapi ng Kongreso), na ang paglilitis sa mga impeachable official gaya ng mga mahistrado’y solong kapangyarihan ng Kongreso.
***
Napag-usapan ang impeachment trial, maging si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino, ito’y kumbinsidong ang impeachment court ang dapat magresolba sa lahat ng usapin tungkol sa mga impeachable official. Hinamon ni PNoy si Corona na kusang ipasilip ang mga bank accounts kung walang itinatago. Ika nga ni Mang Gusting -- ang katotohanan ang magpapalaya, hindi ang kasinungalingan!
Sa panayam kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, tinawag nitong panggulo ang pagdala sa SC ng usapin at paraan iyon para itago ang katotohanan tungkol sa kinukuwestiyong kayamanan ni Corona.
Sa kabilang banda, merong naniniwala na bilang pinakamataas na hukuman, ang mga mahistrado ng SC ang siyang dapat magbigay ng huling interpretasyon sa mga kinukuwestiyong proseso sa batas.
Sa usaping ito, ang legalidad ng articles of impeachment at ang paghalungkat ng mga bank accounts ng punong mahistrado. Kumbaga sa telenovela, marami pang kapana-panabik na kabanata na dapat abangan ang mga tagasubaybay.
At habang tumatagal ang proseso ng paglilitis, patuloy namang naaabala ang mga senador at kongresista na gawin ang kanilang trabaho na gumawa ng batas na kailangan ng bayan.
Gayunman, kabilang sa dapat antabayanan sa makasaysayang paglilitis -- kung may bayani bang lulutang sa kabanatang ito para maiwasan ang itinutulak o pinipintang Constitutional crisis.
Ang kabayanihan, ito’y maaaring gawin mismo ni Corona sa pamamagitan ng pagsasakripisyo kapag nagbitiw sa kanyang posisyon. Hindi naman boksing ang impeachment para lumaban hanggang dulo. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment