Monday, February 20, 2012
Dilis lang!
REY MARFIL
Sa harap ng mga mag-aaral ng La Consolacion College, isang mabigat na halimbawa tungkol sa pananagutan ng isang opisyal at tauhan ng Korte Suprema ang tinalakay ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino III.
Ayon sa Pangulo -- noong 1997, isang court interpreter o karaniwang kawani ng hudikatura ang nawalan ng trabaho. Ang kasalanan niya, hindi idineklara at isinama sa kanyang ari-arian ang kinikita sa kanyang pinapaupahang puwesto sa palengke.
Kada taon, naghahain ng kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang mga kawani at opisyal ng pamahalaan.
Sa SALN, inilalagay dapat ang mga ari-arian (maging ang utang) ng mga nagtatrabaho sa pamahalaan upang makita kung may kaduda-duda sa kanilang kayamanan habang sila ay nagsisilbi sa gobyerno.
Hindi naman kasalanan kung yumaman ang isang tao habang nagsisilbi sa gobyerno subalit kailangang maipaliwanag at ipaalam kung papaano yumaman o saan nanggaling ang kanyang kayamanan.
Hindi lang gurami o dilis ang kaso ng court interpreter kung ikukumpara sa kasong kinakaharap ngayon ni Supreme Court Chief Justice Renato Corona -- isa sa mga ikinaso sa kanya’y pagtataksil sa tiwala ng bayan dahil sa hindi niya pagdedeklara ng tamang SALN.
Habang tumatagal ang impeachment trial sa Senado, lumilitaw na bukod sa alegasyon ng ‘di pagdedeklara ng SALN, mukhang hindi rin inilista ni Corona ang lahat ng kanyang ari-arian -- halos ‘di nagkakalayo sa isyung ipinupukol kay Mrs. Arroyo, partikular ang alegasyong nagpayaman at inabuso ang kapangyarihan nito.
***
Napag-uusapan ang impeachment trial, kung susundan ang pagdinig ng Senado, tila marami ngang dapat ipaliwanag si Corona sa kanyang mga bank accounts.
Ang malupit sa lahat, kung hindi naunahan ng palasyo sa mga ginawang aksyon, posibleng laya ngayon si Mrs. Arroyo lalo pa’t lahat ng desisyon ni Corona’y pabor sa taong nagputong sa kanya ng korona bilang Punong Mahistrado!
Ginawang halimbawa ni PNoy ang idineklara ng Punong Mahistrado noong 2010 na pera na P3.5 milyon umano, gayong sa naturang panahon ay may kabuuang P31 milyon sa tatlong bank accounts na nakapangalan sa kanya.
Nandiyan din ang diumano’y $700,000 dollar accounts ni Corona na hindi masilip dahil sa TRO na ipinataw ng SC.
Ang matindi nito, ang tatlong bank accounts sa PSBank-Katipunan na nakapangalan umano kay Corona ay magkakasunod na isinara noong Disyembre nang makapasa sa Kongreso ang impeachment case laban sa kanya.
Sa karaniwang tao, tiyak na hindi nila maiiwasan na mag-isip ng masama kung bakit biglang isinara ang mga bank accounts na naglalaman ng P17 milyon, ang isa naman ay may opening balance na P8.5 milyon at ang isa pa ay P7 milyon.
Depensa ng kampo ni Corona, hindi raw sa Punong Mahistrado ang mga ito. Kaya daw isinara ay upang hindi madamay sa kasong kinakaharap ng Punong Mahistrado. Isang paliwanag na hindi madaling paniwalaan.
Balikan natin ang kaso ng court interpreter, malamang ang perang hindi niya naideklara ay hindi aabutin ng ilang milyong piso. Pero gayunpaman, nawalan siya ng trabaho dahil hindi siya naging tapat.
Kung ihahambing ang kaso ng court interpreter sa halagang pinag-uusapan sa kaso ni Corona, napakalayo at higit na mas malaki ang perang pinag-uusapan dito.
Hindi naman ito nakapagtataka dahil si Corona ang pinakamataas na opisyal sa hudikatura -- pinakamataas na boss ng mga court interpreter.
Sa kabila nito, kung si PNoy ang tatanungin, ang pinuno ang dapat magsilbing mabuting halimbawa sa kanilang mga tauhan. Lahat para sa kanya ay pantay-pantay, maging sa pagpapatupad ng batas -- karaniwan ka mang empleyado o mataas na opisyal ng gobyerno.
Kung nagkasala at hindi naging tapat, marapat parusahan!
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment